Pagbibigay ng libreng college subsidy sa mga naka-enroll sa private school, aprub!

HINDI kaila ang pagkasabik ng mga college student at kanilang mga magulang mula nang mabalitaan na tuloy na tuloy na ang implementasyon ng Tertiary Education Subsidy (TES) na mapakikinabangan ng mga estudyante mula sa mga pampribado at pampublikong paaralan sa buong bansa.
Aprubado na ang TES sa mag-aaral ng 412 private schools mula sa Luzon, habang 380 private schools naman sa Visayas at Mindanao. Inanunsiyo ito ni Commission on Higher Education (CHEd) Chairman Prospero de Vera III, ilang linggo pa lang bago matapos ang nagdaang taon kung saan pumirma ito ng kasunduan kasama ang private Higher Education Institutions (HEIs) sa pamamagitan ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education Act (UniFAST).
Nakalaan at nakadisenyo ang TES para sa mga estudyanteng naka-enroll sa anumang HEIs, gayundin sa State Universities and Colleges (SUCs), Local Universities and Colleges (LUCs) at Technical-Vocational Institutions (TVIs) na makatatanggap ng P60, 000 kada taon para sa kanilang tuition at miscellaneous fees.
Nakatutuwang malaman na sa wakas ay naisakatuparan na rin ang pagbibigay ng gobyerno ng libreng college subsidy hindi lamang para sa kabataang nag-aaral sa public schools kundi maging sa mga naka-enroll sa private schools.
Naalala natin ang mga nakaraang buwan noong napabilang at nasaksihan ng inyong lingkod ang pagsasagawa ng serye ng Nationwide Information Caravan ng CHED upang lubos na mahimay ang mga nilalaman ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act at matugunan ang mga tanong at concern ng iba’t ibang education institutions.
Mula sa 300,000 beneficiaries na nakalaan sa 2018 General Appropriations Act kung saan P16 bilyong pondo ang nakalaan, 13,760 nito ay mga scholar mula sa Expanded Students’ Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sila ang mga batang kapus-palad na kabilang sa indigent families na benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD na marurunong at responsable sa kanilang pag-aaral.
Ayon kay Chairman De Vera, inaasahan na magkakaroon pa ng 100,000 karagdagang bilang ng mga mag-aaral ang makikinabang sa paparating na school year.
Kabilang ang mga sumusunod sa sakop ng miscellaneous fees: Admission, handbook, athletic, laboratory, computer, library, cultural, medical at dental, development, registration, entrance, school ID, guidance fees at iba pang katulad na bayarin.
Nagsisilbing biyaya para sa atin itong pagsusulong ng libreng edukasyon dahil ibinuhos natin ang lahat ng ating makakaya para maisakatuparan ang hangad na maiangat ang kalidad ng edukasyon sa kolehiyo. Ngunit siyempre, higit na mas makabuluhan ito para sa mga magulang na ang ultimong pangarap para sa anak ay makapagtapos sila ng pag-aaral. Priceless, ‘ika nga nila, ang bagay na ito.
Dumaan man sa butas ng karayom ang proseso nito, nagpapasalamat tayo na natutukan nang maigi ng mga kinauukulan ang pagpapatupad ng programa. Masasabing sulit ang lahat ng ating pananaliksik, pagsisiyasat at pag-aaral para sa makasaysayang batas na ito. Sa ating mga mag-aaral at kanilang mga magulang, sana ay masulit ang inyong edukasyon!





Comments