Nueva Ecija officials nasibak sa katiwalian, hirit sa Comelec | COC NG UMALI BROTHERS, IBASURA


HINDI na makababalik sa politika si ex-Governor Aurelio ‘Oyie’ Umali ng Nueva Ecija, gayundin ang kapatid nitong si Emmanuel Anthony, na nasibak sa puwesto dahil sa katiwalian.
Naghain ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) noong November 26, 2018 si Virgilio Bote, kandidato sa pagka-gobernador ng Nueva Ecija upang hilinging ibasura ang certificate of candidacy (COC) ni Umali.
Nauna nang hinatulan ang dating gobernador ng Office of the Ombudsman ng ‘perpetual disqualification’ dahil sa multi-million Priority Development and Assistance Fund (PDAF) scam na kinasasangkutan ni Janet Lim Napoles.
Ibinasura ng Ombudsman ang motion for reconsideration (MR) nito noong September 29, 2017 at pinasasampa na sa Sandiganbayan ang kaso nito na may kaakibat na parusa hanggang 40 taong pagkakakulong.
Sinampahan din ng kaparehong petisyon ang nasibak na vice-mayor ng Cabanatuan City na si Emmanuel Anthony Umali na naghain ng kandidatura bilang bise-gobernador.
Hiniling ni Board Member Edward Thomas Joson na kandidato rin sa pagka-bise-gobernador na ibasura ang COC ng nakababatang Umali dahil sinibak ito ng Ombudsman noong March 7, 2018 at isinilbi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang dismissal nito bilang bise-alkalde ng Cabanatuan noong May 22, 2018 dahil sa kasong katiwalian na may kaakibat na parusang perpetual disqualification from holding public office.
Samantala, tatlo pang kandidato sa ilalim ng Unang Sigaw Party ang ipinadedeklarang ‘ineligible’ at ipinade-deny ang kandidatura sa Comelec.
Ito ay sina Ramon ‘Suka’ Garcia; Gabriel Calling at Imee de Guzman.
Ang magkapatid na Umali, sina Garcia at Calling ay hinatulan ng Ombudsman ng dismissal at perpetual disqualification to hold public office dahil sa kasong iligal na pag-repack sa relief goods ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ginamit sa kanilang pangangampanya noong 2016 elections.
Si De Guzman, dating mayor ng Sto. Domingo ay hinatulan ng dismissal na may kaakibat na perpetual disqualification ng Office of the Ombudsman noong June 19, 2018 dahil sa kasong grave misconduct.





Comments