Ngayong flu season, mas alagaan ang kalusugan


KASABAY ng pagpasok ng peak months ng flu season, hinimok ng Department of Health ang publiko na mag-ingat.
Tuwing Enero at Pebrero, marami ang nagkakatrangkaso kaya dapat mag-ingat na magkasakit nito at maikalat ang virus. Gayunman, kumpara umano sa kabuuang datos noong nakaraang taon, mas mababa pa rin ang naitalang mga nagkatrangkaso ngayong 2019.
Maituturing umanong bad season para sa flu ang 2018, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Ang iba’t ibang strains ng flu ay nakahahawa sa oras na may contact sa katawan ng tao, maging ito man ay sa pamamagitan ng ubo mula sa ibang tao o paghawak sa kontaminadong gamit pagkatapos ay hahawakan ang bibig o ilong.
Kaya palaging takpan ang bibig kapag umuubo o bumabahing para maiwasan ang pagkalat ng flu virus.
Samantala, isang post ang nag-viral ngayon sa social media na nagpapakita ng pansamantalang pagpapasara sa Novaliches District Hospital (NDH). Nilinaw naman ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na walang meningococcemia outbreak sa lungsod.
Ang pansamantalang shutdown ng ospital ay bahagi umano ng kanilang preventive measure dahil may 11-anyos na lalaki ang dinala sa ospital na may sintomas ng meningococcemia noong Enero 4 na inilipat naman sa Research Institute for Tropical Medicine(RITM).
Para maiwasan ang pagkalat ng sakit kaya umano isinara ang emergency room facility ng 24-oras para sa tamang decontamination ng lahat ng equipment na nagamit ng pasyente sa pamamagitan ng paggamit ng ultraviolet light kaya malayo umano itong tawaging outbreak.
Kaya panawagan sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon, tigilan na ito dahil hindi ito nakatutulong kundi lalong nakapagdudulot ng takot sa taumbayan.





Comments