Programa na agarang magbibigay-solusyon sa mga transaksiyon sa SSS, ayos!

ISANG taon na mula nang ipinatupad ng Social Security System (SSS) ang Real Time Processing of Contribution (RTPC) na unang inilunsad noong Enero 16, 2018.
Ang RTPC ay programa ng ahensiya kung saan agaran ang beripikasyon, transmisyon at pagtanggap ng SSS contributions sa pagitan ng SSS at payment facilities. Ang binayarang kontribusyon ng mga miyembro ay agarang maitatala sa kanilang rekord sa SSS sa pamamagitan ng paggamit ng Payment Reference Number o PRN.
Dahil agaran ang pagtala at pag-update sa rekord ng miyembro sa RTPC, maiiwasan ang anumang antala sa pagkuha ng mga benepisyo at loan ng mga miyembro. Mahalaga ang pagtala ng kontribusyon dahil isa ito sa mga basehan sa pagbibigay ng benepisyo kung ang miyembro ay may sapat na bilang ng kontribusyon ayon sa mga kondisyon sa pagkuha ng benepisyo.
Sa ilalim ng programa, kailangang magrehistro sa My.SSS facility ng SSS website ang lahat ng employers at individually-paying na miyembro tulad ng self-employed, non-working spouses, overseas Filipino workers (OFWs) at boluntaryong miyembro upang makakuha ng PRN.
Maliban sa pagkuha ng PRN sa My.SSS, maaari rin silang maka-access ng kanilang electronic collection list (e-cl) at statement of account (SOA), mga rekord ng loans at benefit applications at mag-download ng mga SSS form at hindi na kinakailangan pang pumunta sa mga tanggapan ng SSS.
Noong Oktubre 2018, mayroong 5,143,224 miyembro ang rehistrado sa SSS website at may rehistradong email addresses.
Paano kung ang miyembro ay walang access sa internet upang makarehistro sa My.SSS? Para sa kaginhawahan ng mga miyembro, ang SSS ay nag-aalok ng iba’t ibang paraan upang makakuha ng PRN.
Ang mga miyembrong walang access sa internet o computer ay maaari pa ring makakuha ng PRN sa pamamagitan ng mga sumusunod: (1) pagpunta sa mga PRN inquiry facility ng collection partners ng SSS; (2) pagpunta sa mga tanggapan ng SSS; (3) pagtawag sa PRN Help Line o SSS Call Center sa 920-6446 to 55.
Dinirinig ng SSS ang mga sentimyento ng mga miyembro nito. Isa na rito ay ang kawalan ng access sa internet kaya hindi sila nakakukuha ng kanilang PRN kaya tinatanggap pa rin ng SSS ang mga bayad kahit walang PRN, sa isang kondisyon: hinihikayat ng SSS ang mga miyembro na i-update ang kanilang contact information sa SSS upang sila ay makatanggap ng PRN sa pamamagitan ng text message o email.
Sa kanilang pagbayad ng kontribusyon sa tanggapan ng SSS, hihingin ng SSS ang kanilang mobile number o email address para ilagay sa database ng SSS upang sila ay makatanggap ng PRN sa text message o email para sa susunod nilang pagbayad ng kontribusyon. Maaari rin nilang i-update ang kanilang rekord sa pamamagitan ng pagsagot ng SSS Form E-4.
Ngayong Bagong Taon, pinaaalalahanan ng SSS ang kanilang mga miyembro na siguraduhing kumuha ng PRN upang nasa tamang panahon ang pagtala ng kanilang mga kontribusyon at pagtanggap ng mga benepisyo at loan.
______________________________________________________________________________
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments