Ayon sa PNP, insidente hinggil sa passport data breach, banta sa seguridad ng karamihan!

“BANTA para sa national security”, ganito itinuturing ng Philippine National Police ang nangyaring insidente, kamakailan hinggil sa pagnanakaw ng datos ng mga passport holder ng bansa kung saan kasabay ng pangamba ng karamihan, ayon kay PNP Chief General Oscar Albayalde, hindi pa umano nakikipag-ugnayan sa kanila ang Department of Foreign Affairs at National Bureau of Investigation kaugnay dito.
Gayunman, ayon sa hepe ng PNP, willing at handa umano silang tumulong sa imbestigasyon upang matuldukan na ang nasabing problema.
Samantala, hindi maiiwasan ng karamihan, lalo na ng mga apektado na labis na mabahala sa pagkawala ng kanilang mga personal na impormasyon.
Hindi natin maipagkakaila na nakatatakot ang nangyaring ito dahil hindi pa natin nakikita kung ano nga ba ang magiging resulta sa mga susunod na araw.
Kaya ang hiling natin sa mga kinauukulan, paigtingin ang seguridad ng lahat nang sa gayun ay wala ni isang mapahamak.
Ang panawagan naman natin sa nagnakaw o kumuha, sumuko na at huwag nang makipagtigasan pa sa mga awtoridad, maaaring ang pagsuko niyang ito ang maging susi upang isiwalat ang totoong istorya kung bakit nga ba posibleng mangyari ang ganu’ng bagay, lalo na at karapatan ng mga Pilipino na malaman kung ano ang estado ng bawat ahensiya ng bansa.
Sa ngayon, alam natin maraming Pinoy ang nawawalan na ng tiwala sa pamahalaan at ‘yun ang dapat nilang patunayan at pagtrababuhan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments