Passport data breach, talupan at dapat may managot!
- BULGAR

- Jan 15, 2019
- 2 min read
NAALARMA ang ilan matapos kumalat ang balita hinggil sa pagsusumite umano ulit ng birth certficate sa pagre-renew ng expired na electronic passport.
Ito ay dahil ayon kay DFA Secretary Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr., kinuha nang tinanggal nilang contractor ang data ng passport holders, kaya required ulit na magdala ng birth certificates ang mga passport holder kahit magre-renew na lamang sila.
Kung saan kuwestiyunable rin kung bakit may kakayahang kunin ng contractor ang data, gayung hindi naman ito sakop ng trabaho nila, ‘yun ay kung ito ang nakalagay sa pinirmahan nilang kontrata.
Gayunman, nilinaw ng Department of Foreign Affairs na ang mga kailangan lamang magsumite ng birth certificate ay ‘yung mga e-passport na inilabas noong 2011.
Samantala, maraming netizens ang nangangamba dahil personal information nila ang nawala na alam nating mahalaga.
Samantala, nagpahayag ang DFA na hindi kailangang mangamba ng taumbayan dahil hindi naman umano nakuha ng masamang-loob ang data.
‘Yun nga lang, personal information pa rin ito na maaaring gamitin sa masama na timing pa sa nalalapit na halalan. Hmmm…
Nakadidismaya ang mga pangyayari, bukod kasi sa hindi nagagampanan nang maayos ng mga responsable ang kanilang tungkulin para sa bayan, gayung pinasusuweldo sila.
Lalo lang mawawalan ng tiwala ang karamihan sa mga namamahala sa gobyerno kung ganyan palagi ang mangyayari. Tsk!
Sa ngayon, wala tayong choice kundi sumunod na lamang dahil hindi na natin maibabalik pa ang nawala na. Hugot!
Para naman sa mga kinauukulan, gumawa nang masusing imbestigasyon hinggil sa nangyari nang sa gayun ay malaman kung sino ang may kasalanan at kung paano ito masusolusyunan.
Maging aral na rin sana ito para sa ating lahat, lalo na sa pamahalaan na pumili ng mga namumuno na nagtatrabaho nang maayos at marangal.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments