Nasibak na pulis, kinatay
- Mylene Alfonso
- Jan 15, 2019
- 1 min read

TODAS ang dating pulis-Quezon City na nasibak sa serbisyo makaraang pagsasaksakin ng hindi kilalang suspek matapos makipag-inuman kamakalawa ng gabi sa Tondo, Manila.
Idineklarang patay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si dating PO1 Jose Igig, 42, residente ng Vitas, Tondo, alas-8:35 ng gabi, sanhi ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay PC/Insp. Rommel Anicete, alas-8:05 ng gabi nang madiskubre ang biktima ng kanyang pamangkin na duguan nang nakahandusay sa Road 10, Scarborough, Katuparan sa Vitas.
Agad namang dinala ang biktima sa nasabing ospital ngunit, hindi na rin ito naisalba.
Huli umanong nakitang buhay ang biktima habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan.
Narekober ng mga imbestigador sa crime scene ang mga ebidensiya na posibleng makapagturo sa mga salarin sa krimen tulad ng mga basag na bote ng alak at mga kutsilyo.
Nabatid na si Igig ay dating pulis-Quezon City na nasibak sa serbisyo dahil sa kasong grave misconduct na kinaharap nito sa Office of the Ombudsman noong 2010. Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo ng pagpaslang sa biktima.





Comments