Kakulangan sa populasyon ng mga guro sa bansa, bigyang-solusyon!
- BULGAR

- Jan 15, 2019
- 2 min read
SA mga mata ng batang mag-aaral ay wala nang huhusay, gagaling at bubuti pa sa kanyang guro. Anumang hirap o pagsubok sa pag-aaral, itinuturing nitong the best at pinakaiba sa lahat ang kanyang teacher. Utang nila ang halos lahat ng mga natutunan bago sila magtapos at makapagtrabaho.
Masasabing malaki ang impluwensiya sa atin ng mga teacher. Kadalasan nga, tagos sa ating puso at isipan ang bawat bagay na sinasabi at ginagawa nila. Palibhasa, sila ang nagsisilbing inspirasyon, idolo at tagapayo natin sa edukasyon at maging sa personal na isyu ng buhay.
Ngunit, hindi kaila ang kakulangan sa populasyon ng ating mga guro sa bansa. Ayon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) report, hindi nakamit ng Pilipinas noong 2015 na ma-target ang “Millenium Development Goals of Education for All” kung saan isa sa mga pangunahing layunin ng bansa ay lubos na mapagbuti ang kalidad ng edukasyon.
Para makamit ito, kinakailangang masugpo ang anumang kakulangan sa sistema ng edukasyon ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat at magagaling na guro, lalo na sa mga liblib at malalayong lugar sa ating bansa.
Noong tayo ay bumibisita sa mga paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa, napansin natin ang kakaunting bilang ng mga guro kumpara sa patuloy na tumataas na bilang ng mga mag-aaral, lalung-lalo na sa malalayong probinsiya.
Ito ang naging hudyat ng inyong lingkod na isulong sa Senado ang Senate Bill No. 906 o Teacher Education Scholarship Program na naglalayong magbigay ng scholarship grants sa mga estudyanteng nais mag-enroll sa kursong Bachelor of Arts o Bachelor of Science in Education at makapagbigay ng insentibo sa mga estudyante upang kumuha ng karera sa pagtuturo sa paaralan na nasa kanilang mga tinitirhang probinsiya.
Nakasaad sa panukala na bago makamit ang apat na taong scholarship program na ito, magkakaroon ng taunang pagpili ng mga aplikante kung saan sila ay sasailalim sa mga pagsasanay at iba pang mahahalagang proseso.
Maaaring magpasa ng aplikasyon ang sinumang nakapagtapos ng sekondaryang edukasyon sa pampribado o pampublikong paaralan. 10 scholars sa bawat probinsiya kada taon ang mapipili na makakuha ng naturang programa.
Pagkakalooban naman ang mga kuwalipikadong mag-aaral ng full time na four-year scholarship at pagkakataon na maempleyo sa kanilang lugar kapag nakatapos. Libre ang kanilang matrikula, itinakdang aklat, supplies, equipment, damit at uniform allowances at iba pang school fees.
Kapag naaprubahan na bilang batas, malaki ang magiging tulong nito upang mapunan ang kasalukuyang kakulangan sa mga guro sa mga probinsiya dahil mas marami ang maeengganyong tahakin ang kanilang napiling karera sa larangan ng pagtuturo.
Siyempre, tiyak na mahahasa ang kakayahan ng mga guro na magturo sa mga bata dahil sila ay nakapagtapos ng edukasyon kung saan tiyak na agad ang kanilang kauna-unahang trabaho.
Kasama ng ating kapwa-mambabatas, inaasahan natin ang positibo at agarang pagsasabatas nito!




Comments