Baril sa helmet buking, rider arestado
- Jeff Tumbado
- Jan 15, 2019
- 1 min read

ARESTADO ang isang mekaniko matapos mahulihan ng baril na itinago sa kanyang helmet sa inilatag na unang araw na pagpapatupad ng police/Comelec checkpoint at ng District-wide Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) sa Quezon City.
Kinilala ni Chief Supt. Joselito Esquivel, Jr. ang suspek na si Edgardo Aguilos, 37, residente ng Bgy. Kaligayahan, Novaliches.
Dinakip si Aguilos ng mga tauhan ng Police Station 4 sa ilalim ni Supt. Rossel Cejas alas-11:45 ng gabi ng Linggo sa bahagi ng Quirino Highway.
Agad pinara at hinarang ang suspek pagsapit nito sa checkpoint dahil hindi nito suot ang kanyang helmet na inilagay lang sa kanyang siko.
Gayunman, nang suriin ay dito nakita ang baril na nakatago sa loob ng helmet kaya inaresto ang suspek na nakitaan na ng pagkabalisa.
Nabatid na anim na buhay na bala ang nakalagay sa magazine ng kalibre .45 na bitbit ni Aguilos.
Paliwanag ni Aguilos, dala nito ang naturang baril para lamang sa kanyang proteksiyon.
Wala namang maipakitang anumang dokumento si Aguilos para sa dalang baril na kinasuhan ng paglabag sa ilalim ng RA 10591 o ang comprehensive Law on Firearms and Ammunitions in relations to the Omnibus Election Code.





Comments