top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Gabay ng nakatatanda ang kailangan para hindi masadlak sa karahasan ang kabataan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 14, 2019
  • 2 min read

HINDI mahirap lumikha ng kapaligirang puno ng karahasan, subalit, napakahirap lumikha ng kapaligirang may kapayapaan. Marahil, ito ang maaaring magsalarawan sa kamatayan ng 11-anyos na binatilyo. Ayon sa ulat, noong ika-28 ng Disyembre, hinatak palabas sa Christmas Party ang batang lalaki ng kapwa nito binatilyong may edad 9, 10 at 11 at saka pinagbubugbog. Namatay ito pagkaraan ng sampung araw noong ika-7 ng Enero. Ngayong Lunes, ika-14 ng Enero, magsasagawa ng awtopsiya upang tiyakin ang dahilan ng pagkamatay nito.

Tunay na malagim ang karahasan. Hindi lang “may baril” at “riding-in-tandem” ang may kakayahang pumatay. Ngayon, kahit mga bata ay kaya na rin ito.

Napakaraming karahasan sa lipunan. Nakikita at nararanasan natin ito sa bawat pagkakataon.

Muling lumabas mula sa bibig ng pangulo ang maaanghang at matatalas na mga salita laban sa mga Obispong Katoliko. “kaya pagdating ko sabi ko, hoy, kayong mga tambay diyan, ‘pag dumaan ‘yang Obispo ninyo holdapin n’yo ‘yan, maraming pera ‘yan p***** i** niya. Patayin mo.” ‘ika ng pangulo. Dagdag pa nito, walang kuwenta at walang silbi ang mga Obispo at paring inaakusahan siya ng “EJK”.

Magtatatlong taon nang ganito ang mga salitang lumalabas sa bibig nito. Sa halip na nagkakaisang tinig ang marinig, tila namamayani ang malamig na katahimikan. Tutal, maaasahan namang lumabas din sa bibig ng kanyang spokesperson sa Malacañang na, “hyperbole lang, for effect lang” ang ganitong pananalita ng pangulo. Marahil, ganu’n ang sinabi niya noong simula, “patayin ninyo, gusto kong tatlong milyon ang mamamatay sa mga pusher at user. Ako ang bahala sa inyo.”

Hindi maaaring balewalain ang mga salita ng pinakamakapangyarihang tao sa ating bansa. Anuman ang sabihin nito ay naririnig ng lahat. Kung panay pagpatay at karahasan ang namumutawi sa kanyang mga labi na umaabot hindi lang sa mga tainga ng nakatatanda kundi maging sa mga musmos. Ano pa ang maaasahan natin sa lipunan?

Sana, palaganapin na ng Simbahan ang tinig at wika ng kapayapaan.

Huwag sanang malunod ang tinig at wika nito na inaasahang magtatanggol sa katotohanan, katarungan, kapayapaan at kalayaan. Kailangan ng kabataan ang kapayapaan sa tulong at gabay ng mga nakatatanda.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page