Kagawad niratrat, todas
- Mylene Alfonso
- Jan 13, 2019
- 1 min read

PATAY ang isang barangay kagawad makaraang pagbabarilin ng dalawang suspek, kamakalawa ng hapon sa Maynila.
Kinilala ang biktima na si Elpidio Bautista, 49, negosyante, residente ng Sta. Cruz, Manila.
Batay sa imbestigasyon ni SPO2 Jonathan Bautista, alas-3:54 ng hapon nang mangyari ang insidente sa tapat ng kanilang bahay.
Nakaupo umano ang biktima nang sumulpot ang gunman na armado ng kalibre .45 habang nagsilbing lookout ang kasama nito.
Nang matiyak na napuruhan ang biktima, agad nagsitakas ang dalawa patungong Felix Huertas St. ng nasabing lungsod.
Nagawa namang maisugod sa Chinese General Hospital ang biktima, pero hindi na rin ito umabot ng buhay.
Ayon kay Chairwoman Raymunda Bautista, misis ng biktima, nagsilbing barangay chairman ang kanyang mister ng tatlong termino at nang sumabak sa pagka-kagawad ay nanalo nang pangalawang puwesto at hindi umano nito alam kung ano ang naging atraso ng kanyang asawa.
Blanko pa rin ang pulisya sa motibo ng pagpaslang sa biktima pero, inaalam pa kung may kinalaman ito sa kanyang trabaho o sa kanyang negosyo.





Comments