Info ng passport holders tinangay, DFA secretary sa isyu ng privacy at security: "HINDI KO ALAM
- BULGAR

- Jan 13, 2019
- 1 min read

TINANGAY umano ng dating passport contractor ng gobyerno ang datos o impormasyon ng ilang passport holders matapos ma-terminate ang kanilang kontrata, ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr.
Bagay na pinangambahan ng ilang passport holders dahil sa banta umano sa seguridad na maaaring idulot nito.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ito ni Locsin bilang tugon sa isang netizen kung bakit hinihingan siya ng kopya ng birth certificate sa pag-renew ng pasaporte?
Ayon pa sa kalihim, kailangan muling buuin ng Department of Foreign Affairs ang kanilang database.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Elmer Cato, tanging mga magre-renew lamang ng passport na hindi pa saklaw ng electronic passport noong 2009 ang oobligahing magpasa ng birth certificate. Ang mga may nagre-renew lamang ng brown, green o maroon machine-readable passports ang kailangang magpasa ng birth certificate.
Kaugnay nito, hinimok ang DFA na aktuhan agad ang insidente lalo na at personal na impormasyon at seguridad ang nakataya rito.
Nang tanungin si Locsin ng isang netizen sa isyu ng data privacy at kung paano niya mapoproteksiyunan ang kanyang personal na impormasyon, sinabi lamang nito na hindi niya alam. (BRT)





Comments