top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Election period, start na

Madel Moratillo
Jan 13, 2019
1 min read

AARANGKADA na simula ngayong araw, Enero 13, ang election period para sa May 13 National and Local Elections (NLE).

Kasabay nito ang pagsisimula ng pag-iral ng gun ban.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez, sa ilalim ng gun ban ay bawal ang pagdadala ng mga armas at iba pang nakamamatay na sandata sa labas ng bahay tulad ng patalim, itak, icepick at iba pa.

Kanselado rin ang mga inisyung permit-to-carry firearms outside residence (PTCFOR) kaya hindi na maaaring magdala ng mga armas sa labas ng bahay, maliban na lamang ang mabibigyan ng gun ban exemptions.

Mahigpit na rin aniyang ipinagbabawal ang paggamit ng mga kandidato ng security personnel at bodyguards maliban na lamang kung binigyan sila ng pahintulot ng Comelec.

Nabatid na may mga nakapuwesto na ring Comelec checkpoint sa mga strategic location na dapat ay maliwanag, binabantayan ng mga unipormadong pulis at mayroon dapat impormasyong nakapaskil tulad ng contact number at pangalan ng pulis at election officer na in-charge sa lugar.

Ipinaliwanag naman ni Jimenez na tulad ng normal na checkpoint, hindi obligado ang mga motorista na buksan ang kanilang mga sasakyan.

Dapat din aniyang sundin ng mga awtoridad ang “plain-view doctrine” sa pagsasagawa ng checkpoint.

Ayon sa Comelec, magtatagal ang election period hanggang sa Hunyo 12, na siya ring deadline para sa paghahain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kumandidato sa halalan, nanalo man o hindi.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page