‘Wag basta naniniwala sa social media | PNEUMONIA OUTBREAK SA BANSA, FAKE NEWS!
- BULGAR

- Jan 13, 2019
- 2 min read
MATATANDAANG, lumabas ang balita tungkol sa pneumonia outbreak sa bansa na agad namang itinanggi ng Department of Health (DOH) kung saan ayon kay Health Usec. Erik Domingo, maraming tinatamaan ngayon ng trangkaso, pero hindi umano nakapagtala ng mataas ng kaso ng pneumonia, kaya hindi dapat mabahala ang publiko dahil hindi umano ito totoo.
Gayunman, kung sinuman ang nagpakalat ng fake news, sana ay huwag na itong maulit pa dahil matinding pagkabahala ang naidudulot nito sa tao.
Gayundin, ang maipapayo natin sa publiko, maging matalino tayo sa paggamit ng social media dahil dito talaga nagmumula ang mga pekeng balita na agad isine-share at kumakalat o sa madaling salita, ‘think before you click’.
Bagama’t, hindi rin natin masisisi ang iba kung bakit naniniwala agad sila, mas mainam pa rin kung hihintayin natin ang pahayag ng mga ahensiya na responsable sa pangangalaga ng kalusugan ng mamamayan sa bansa.
Sa ngayon, pinayuhan ng DOH ang lahat hinggil sa pagkakaroon ng proper hygiene, lalo na ang mga may trangkaso nang sa gayun ay hindi na lumala pa ang sakit na inyong iniinda.
‘Ika nga, mas okay nang advance mag-isip, huwag lang exaggerated, kaya mabuting magpatingin agad sa doktor, lalo na kung nilalagnat para maagapan, puwedeng sa mga pribado o pampublikong ospital o kaya ay sa health centers nang mapakinabangan naman.
Samantala, hiling natin ngayong taon ang mas masaya at malusog na pangangatawan ng bawat isa, pero hindi ‘yun mangyayari kung hindi natin aalagaan at tutulungan ang ating mga sarili.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments