top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Luntiang sabado, luntiang Bagong Taon

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 12, 2019
2 min read

HINDI mahirap kumilos kasama ang kalikasan sa mga luntiang lugar tulad ng Liliw, Laguna. Nais nating balikan ang luntiang taon mula Agosto 2012 hanggang Agosto 2013 noong tayo ay naging nobisyo ng Order of Friars Minor o OFM sa Liliw, Laguna. Hindi kalayuan sa likod ng ating kapilya, matatanaw ang Bundok Banahaw. Tahimik, malamig at hitik sa hiwaga ang paligid ng Nobisyado ng mga Pransiskano sa Liliw. Dito isinilang ang konsepto at espiritu ng Luntiang Sabado, Luntiang Pastol.

Bakit natin binabalikan ang nakaraan nang karanasan sa Liliw, Laguna?

Una, tunay na nakapagbibigay-buhay at sigla ang kalikasan.

Pangalawa, sa ganitong karanasan at kaugnayan sa Diyos at kalikasan, hindi maaaring magdasal na pinaghihiwalay ang pagkilala at pasasalamat sa Diyos at kalikasang nilikha Niya na nagbibigay-buhay sa atin.

Pangatlo, mahalagang ipakita hindi lang sa panalangin o buhay-espirituwal kundi sa salita at kongkretong gawa ang pagtanaw ng utang na loob at pagkilala ng ating pagkakasala sa Diyos at sa kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanggol dito.

Pang-apat, hindi lang sa tao at Diyos tayo nagkakasala kundi maging sa kalikasan. Lahat ay magkaugnay, ang tila maliit na pagkakasala sa bahagi ng kalikasan ay mayroong hindi magandang epekto sa kabuuan.

Kitang-kita sa katatapos lamang na Traslacion sa Quiapo ang malakas na debosyon ng milyun-milyong Katoliko sa Itim na Poong Hesus Nazareno ngunit, kaunti lamang ang nagpakita ng pagkalinga sa kalikasan. Sa naiwanang tone-toneladang basura pagkatapos ng Traslacion, nais nating itanong kung mayroon bang pagkilala ang maraming deboto sa kaugnayan ng debosyon sa Poong Hesus Nazareno sa kalikasan?

May malinaw na organisasyon sa loob ng bawat parokya na nagtitiyak na hindi napababayaan ang paglalapat ng pananampalataya sa Diyos at pagkalinga sa kalikasan.

Maaaring simulan ang ganitong pananaw sa simpleng programa tuwing Sabado. Nagsimula ang Parokya ng San Isidro Labrador na nakikipagtulungan sa Barangay Pinyahan sa ilalim ng pamamahala ni Kapitan Karl Lipnica, ang Luntiang Sabado. Tuwing Sabado ng umaga, dumadalo sa misa ng alas-6 ng umaga ang 32 barangay street sweepers.

Pagkatapos ng misa, magsisimula ang malawakang pagwawalis sa mga kalye at paghahakot ng basura sa ilang bahagi ng Barangay Pinyahan kasama ang kura-paroko ng Simbahan at barangay captain.

Napakagandang tingnan ang kura-paroko at kapitan ng barangay kasama ng mga street sweeper at parish volunteer na magkasamang naglilinis at kumakalinga sa kalikasan — ito ang debosyong luntian. Ang panalanging luntian na malinaw na hindi pinaghihiwalay ang debosyon at pananampalataya sa pagmamahal, pagkalinga at pagtanggol sa kalikasan. Ito ang Luntiang Sabado, isang araw na maaaring maging araw-araw ngayong 2019.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page