3 pulis hinataw ng kahoy, MPD official sibak

SINIBAK ni NCRPO Director General Guillermo Eleazar ang isang opisyal ng Manila Police District na unang inireklamo ng conduct unbecoming of an officer, grave abuse of authority ng tatlong pulis ng National Capital Region Police Office dahil sa pananakit sa kanila nang magalit matapos hindi sundin ang utos nito na itulak ang mga deboto noong Traslacion.
Nasa floating status na ngayon si C/Insp. Alden Panganiban, nakatalaga sa MPD-Stn. 11-Gandara PCP.
Gayunman, wala pang pormal na reklamo laban kay Panganiban ang tatlong pulis na hindi na nagpabanggit ng mga pangalan bagama’t, patuloy na iniimbestigahan ang insidente. Nauna rito, alas-6:00 ng umaga, abala ang lahat sa Traslacion sa Quirino Grandstand sa Maynila at nakatalaga sa Escolta ang tatlong pulis. Sinabi ng mga pulis mula sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit at Regional Support Unit ng NCRPO na pinagpapalo umano sila ng kahoy ng opisyal.
Hindi umano nila nasunod ang ilang utos ni Panganiban at nang mapikon ay bigla na lamang silang pinalo ng kahoy dahilan para mamaga ang kanilang mga kamay. Marami umano ang nakakita sa ginawa ng opisyal.
Nakatikim din umano ng paninigaw sa nasabing opisyal ang mga MMDA.
Nagalit umano ito nang hindi agad nasunod ang utos na alisin ang ilang barikada sa Jones Bridge dahil kailangan muna nila itong ipagbigay-alam sa kanilang mga opisyal.





Comments