Parak na mahuhuling umiinom ng alak sa mga pampublikong lugar, lagot!

IKA nga, kapag may alak may balak kaya tuloy, ang mga parak ay pinagbawalan nang uminom ng alak, partikular na sa mga lugar na lantad o maraming makakakita tulad ng bar at night clubs.
Ito ay kasunod ng pahayag ni P-Duterte na nawawalan ng tiwala at respeto ang publiko sa mga pulis kapag nakikita silang lasing at nasasangkot sa kaguluhan.
Sinang-ayunan din ito ni Department of Interior ang Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at ipinag-utos sa liderato ng Philippine National Police (PNP) upang maisa-legal.
Gayunman, para maipatupad ito nang maayos, dapat maglabas ng administrative circular ang mga kinauukulan nang sa gayun ay alam ng mga pulis kung ano ang dapat nilang gawin at sundin.
Dagdag pa rito, tulad ng ibang batas, ang sinumang lalabag ay mahaharap sa administrative charges tulad ng dereliction of duty, insubordination at gross neglect of duty.
Samantala, umaasa ang lahat na magsisilbing halimbawa ang mga senior official mula kay PNP Chief General Oscar Albayalde hanggang sa mga chief of police sa iba’t ibang siyudad at bayan sa buong bansa.
Bagama’t, bawal na sila sa mga pampublikong lugar, hindi pa rin naman ipagkakait sa kanila ang matagal ng nakasanayan, kaya maaari pa rin namang uminom ang mga pulis, pero sa kani-kanilang mga bahay na lamang. ‘Yun lang!
Maliban pa rito, sari-sari ang reaksiyon ng ating mga kababayan, may ilang natuwa, pero mayroon din namang wala ng tiwala na may magandang epekto ang batas para sa bansa, may humirit din na kung gagawin ito sa mga pulis, bakit hindi gawin sa government officials na dapat ding maging magandang ehemplo sa lahat dahil sila ang namumuno sa bayan?
Sa totoo lang, magandang batas ito, lalo na kung masusunod, maipatutupad nang maayos at pangmatagalan, pero kung puro sa salita lang at hindi mapaninindigan, wala rin!
Kaya ang hiling natin sa kapulisan, sunud-sunod din ‘pag may time. He-he-he!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments