P1 milyong shabu nasabat
- Maeng Santos
- Jan 11, 2019
- 1 min read

NAKUMPISKA ng mga awtoridad ang nasa isang milyong pisong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Navotas Police Station Drug Enforcement Unit Head PCI Ilustre Mendoza, alas-10:00 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng SDEU ang buy-bust operation kontra sa mga hinihinalang bigtime drug pusher na sina Brian Sigua alyas Utoy, 25, alyas Prince at isa pang hindi kilalang kasama ng mga ito sa R-10, Bgy. NBBN.
Matapos iabot ng mga suspek ang isang sachet ng shabu kay PO1 Nagal na nagpanggap na buyer kapalit ng P3,000 marked money, bigla na lamang may sumigaw na, “pulis yan! pulis yan!”, saka tumakas ang dalawa sa mga suspek.
Itinulak naman ni ‘Utoy’ si PO1 Nagal bago tumakbo papasok sa isang bahay hanggang sa makatakas ito.
Narekober ng mga operatiba ang sling bag ni ‘Utoy’ matapos mahablot ni PO1 Nagal na naglalaman ng 13 plastic sachets ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P1 milyon ang halaga kasama ang isang plastic sachet na nabili sa mga suspek at P2,350 cash.





Comments