Worried sa madalas na pagkakaroon ng pasa sa katawan
- BULGAR

- Jan 10, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Dalaga pa ako subalit, napansin kong madalas akong magkaroon ng pasa sa mga binti at braso. Kahit hindi naman ako nireregla. Nag-aalala na ako na baka may malala akong problema sa katawan. Wala akong iniinom na gamot, sana ay masagot ninyo ang mga tanong ko. — Jane
Sagot
Ang pagkakaroon ng pasa ay kadalasang dahil sa pagtama ng bahagi ng katawan sa matigas na bagay na may puwersa. Dahil sa lakas ng puwersa ng pagtama, ang maliliit na ugat ng dugo sa ilalim ng balat ay maaaring pumutok at ang dugo na dumadaloy dito ay kakalat sa ilalim ng balat. Ang umagos na dugo sa ilalim ng balat ang nagiging pasa.
Sa kabilang banda, may mga pagkakataon na bigla at misteryoso na lamang lumilitaw sa balat ang mga pasa kahit wala namang malakas na puwersa na tumatama sa bahagi ng katawan.
Sa mga pagkakataong ito, makabubuting agad na magpatingin sa doktor sapagkat ang mga ganitong uri ng pasa ay maaaring dahil sa mga seryosong kondisyong pangkalusugan tulad ng mga sumusunod:
• Senile purpura — ito ay kondisyon na kalimitang nararanasan ng matatanda. Ito ay dahil sa pagrupok ng pader ng mga ugat ng dugo kasabay sa pagtanda ng katawan na nagreresulta sa madaling pagputok ng maninipis na ugat at pagkakaroon ng pasa. Bagaman, nakakatakot ang malalaking pasa na dulot ng senile purpura, walang dapat ikabahala sapagkat ito ay pangkaraniwan lamang at hindi nagdudulot ng panganib sa kalusugan.
• Epekto ng iniinom na gamot — isa sa karaniwang side-effects ng gamot ay ang biglaang pagkakaroon ng pasa. Ang gamot na malimit makapagdulot ng pasa ay ang anti-inflammatory drugs, antibiotics at ilang gamot para sa sakit sa puso. Makabubuting magpatingin agad sa doktor kung nakararanas ng side-effects mula sa iniinom na gamot.
• Karamdaman sa dugo — maaaring dahil ito sa simpleng kakulangan ng platelet sa dugo o maaari ring dahil sa malalang sakit na leukemia o kanser sa dugo.
• Kakulangan ng Vitamin K — ang Vitamin K ay bitamina na kinakailangan ng katawan para makontrol ang pamumuo ng dugo. Isang senyales ng kakulangan sa mahalagang bitaminang ito ay ang madalas na pagkakaroon ng pasa saanmang parte ng katawan.




Comments