DILG official nag-bomb joke, nahuli

ISANG empleyado ng Department of Interior and Local Government ang nasa balag na alanganin matapos mag-bomb joke sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Kinilala ni Pasay City Police Chief Sr. Supt. Noel Flores, ang inarestong DILG operation Officer 7 na si Elsie Castillo, 57, ng Bgy. 177, Caloocan City.
Pormal siyang inireklamo ni Corporal Junalyn Ungab, miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Base sa ulat, sinusuri nina PO1s Shaila Gethsemane Pascual Tamayao at Jocyleen Montero, kapwa nakatalaga sa District Personnel Holding Accounting Unit ng Southern Police District (SPD) katabi si Ungab, ang mga dala-dalang bag ng bawat dadalo sa Cuneta Astrodome sa Pasay City, alas-11:50 ng umaga.
Nang dumating si Castillo sa inspection counter, nag-bomb joke umano ito at sinabing, “Ma’am, hindi mo ba kakalkalin, may laman sa ilalim na bomba ‘yan”.
Dahil sa tinuran ng opisyal ng DILG, agad siyang inaresto ni Ungab alinsunod sa batas na nagbabawal sa pagbibiro tungkol sa bomba at may karampatang parusa o pagkakakulong ng hanggang limang taon.





Comments