Suspek sa pambobomba ng mall, sumuko

SUMUKO sa pulisya ang isa sa dalawang person of interest sa pambobomba ng isang mall sa Cotabato City noong bisperas ng Bagong Taon.
Ayon kay Soccsksargen Regional Director Chief Supt. Eliseo Rasco, nakilala ang suspek na si Salipudin Pasandalan.
Kusa itong sumuko sa mga awtoridad makaraang makita ang kanyang larawan na kuha mula sa CCTV footage sa iba’t ibang balita sa telebisyon at inaakusahang nasa likod ng malagim na trahedya sa pagpapasabog sa South Seas Mall noong December 31, 2018.
Ang pamilya umano ng suspek ang nag-udyok sa kanya na sumuko.
Gayunman, ayon kay Rasco, mariing itinanggi ni Pasandalan na sangkot siya sa pagsabog na ikinasawi ng dalawa katao at ikinasugat ng mahigit 30 katao.
Nakapiit ngayon si Pasandalan sa Cotabato City Police Station.
Nauna nang inilabas ng PNP ang larawan ng dalawang kalalakihan na umano’y may kagagawan sa naganap na pagsabog sa lugar.





Comments