Suspek sa Batocabe slay, instant milyunaryo

KUNG mangyayari, magiging ganap na milyunaryo ang isa sa pitong suspek sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe, na si Emmanuel Judavar.
Ayon kay Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde, posibleng mapasakamay nito ang reward money na P50 million.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni General Albayalde na una umanong sumuko sa mga awtoridad si Judavar at isiniwalat nito ang lahat ng mga pangyayari na dahilan din para mapabilis ang paglutas sa naturang kaso kaugnay sa asasinasyon sa mambabatas.
“Actually, siya ang nag-witness una kaya siya ang tatanggap ng lahat na ibibigay na reward, kung kailanman ibibigay ‘yung reward na iyon, not necessarily, hindi ko alam kung para sa kanya lahat ‘yun,” pahayag ni Albayalde.
“Napakalaking halaga naman nu’n pero siya talaga ang tatanggap doon sa ibibigay na reward. Nagsimula naman kasi sa kanya lahat ‘yun. Remember ‘yung involvement niya was planned nu’ng August pa then, humiwalay siya sa grupo ni Mayor Baldo,” dagdag pa ng heneral. Giit pa ni Albayalde, wala nang kinalaman si Judavar sa krimen dahil nang araw na iyon ay umatras na ito sa aktuwal na pananambang kung saan nabalitaan na lamang nito na patay na ang mambabatas.
Nabatid pa na nanghingi na lamang si Judavar ng balato sa grupo dahil bilang dating kasama sa pagpaplano na hindi na nga lamang siya tumuloy sa operasyon at humiwalay na nga ito.
“Well probably dahil dati niyang kagrupo ‘yung mga iyon dahil may alam nga siya kasi ‘yung unang plano ay hindi nga natuloy tapos humiwalay siya. Apparently, humiwalay siya dahil may hinihingi na maliit na amount o halaga kay mayor pero hindi siya natulungan kaya sumama ang loob niya kay mayor at nag-umpisa rin ‘yan sa mga operative natin is because nu’ng nakita, nalaman na meron silang nakuhang intelligence information na grupo ni mayor ang involved automatic kasi dati na nilang kasamahan sa MIB ‘yang mga ‘yan,” saad pa ng opisyal.
Binanggit na rin ni Albayalde na “recommend” na si Judavar sa pagkuha sa naturang reward money tulad ng pag-uusap sa pagitan nila kasama si Interior Secretary Eduardo Año.
Samantala, naibunyag din sa kanila ni Judavar na may pinuntahan ang grupo na isang kilalang pulitiko sa Masbate upang kunin mula rito ang armas na automatic Uzi submachine gun para gamitin din sa krimen.





Comments