Pati ‘kaluluwa’ ng napatay na bodyguard ginagamit sa politika, tsk-tsk-tsk!

VIRAL ang pagkakapatay sa engkuwentro sa bodyguard ng abogadong si Glen Chong.
Nagagamit ang “kaluluwa” ng bodyguard.
Nakikiramay tayo sa kanyang naulila.
◘◘◘
HINDI dapat pumayag ang pamilya ni Richard Santillan na gamiting “isyu” ang pagkamatay ng kanilang kamag-anak.
Dapat tanggapin nila ang alok na “sumali” sila sa imbestigasyon upang matukoy kung may “paglabag” ang awtoridad!
◘◘◘
ITIGIL ang kampanya sa social media at seryosohin ang koordinasyon sa PRO-4A ng PNP.
Nasawi si Santillan kasama ang GF nito, pero nakatakas ang 2 kasamahan sa shootout sa Cainta, Rizal.
Pinatigil kasi sa checkpoint ang Toyota Fortuner na minamaneho ni Santillan, pero kumaripas ito na naiuwi sa barilan!
◘◘◘
KANDIDATO sa pagka-senador ang abogado na nagmamay-ari sa Fortuner at amo ni Santillan, dapat ay umiwas siya na maglabas ng komento dahil mababahiran ng politika ang issue.
Kung may pagkakamali sa kaso, dapat niyang isapormal ang reklamo o idemanda mismo ang mga operatiba.
Bilang abogado, dapat gamitin niya ang proper forum at kasuhan ang mga tauhan ni PRO4-A Director Chief Supt. Eduard Carranza.
◘◘◘
IDINIDIKIT ang mga napatay na miyembro ng sindikato o “Highway Boys”, gayundin sa illegal drugs at iba pang krimen.
Dapat patunayan nila sa korte na mali ang akusasyon at hindi sa social media na magpapagulo lang sa merito ng kaso!
◘◘◘
TEKA, sinampahan pala ng kaso si Senadora Loren Legarda sa Ombudsman.
Ang reklamo ay may kaugnayan sa aplikasyon ng “super franchise” ng kanyang anak para sa Solar para sa bayan!
◘◘◘
KINOKONTRA ng electric cooperatives ang naturang prangkisa kasi paglabag daw ito sa karapatan nilang mag-distribute ng elektrisidad sa kanilang mga nasasakupan.
Lalabas na dalawang grupo ang magkakaroon ng “prangkisa” sa distribusyon ng elektrisidad!
◘◘◘
ISANG Durex Doronio ang nagdemanda dahil sa akusasyong minamaniobra ni Sen. Loren ang proseso sa deliberasyon sa Kongreso.
Maselan ‘yan, dapat magbigay ng paliwanag ang senadora!
◘◘◘
NAGTATAKA ang grupo ni Doronio na mabilis nakalusot ang panukalang-batas sa pagkakaloob ng naturang prangkisa sa anak ng senadora gayung wala pang sapat na “track records” ang naturang korporasyon.
Ikinababahala na monopoly sa solar services ang maaaring masikwat ng grupong ito!
◘◘◘
SA totoo lang, okay ang solar electricity, pero hindi ito dapat imonopolyo ng iisang grupo na may koneksiyon sa pamahalaan.
Isang klase ‘yan ng korupsiyon!
◘◘◘
ISINAMA rin sa reklamo sa Ombudsman ang pagtatangka ni Sen. Legarda na impluwensiyahan ang pagtatalaga ng district engineer sa lalawigan ng Antique.
Pero, ang kanyang inirerekomenda ay may kaduda-dudang record sa serbisyo-publiko!
◘◘◘
TILA “bagyo” si Aling Loren sa administrasyong Duterte.
Bakit kaya?
He-he-he!





Comments