Maaaring ikaso sa kumpanyang nanloloko sa ina-advertise na serbisyo

Dear Chief Acosta,
Nais ng pamilya kong bumili ng bahay kaya napagdesisyunan kong pumunta sa opisina ng real estate company ngunit, laking-gulat ko na travel agency pala ang opisina ang napuntahan ko. Gayunman, malinaw sa kanilang brochure na sinasabing ito ay real estate company. Ano ang maaaring ikaso laban sa mga taong nanloloko sa ganitong paraan? — Eloisa
Dear Eloisa,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 169.1 (b) ng Republic Act (R.A.) No. 10372 o mas kilala sa tawag na Intellectual Property Code of the Philippines kung saan nakasaad na:
“169.1. xxx.
b. In commercial advertising or promotion, misrepresents the nature, characteristics, qualities, or geographic origin of his or her or another person’s goods, services, or commercial activities, shall be liable to a civil action for damages and injunction provided in Sections 156 and 157 of this Act by any person who believes that he or she is or is likely to be damaged by such act.” (Binigyang diin)
Samakatwid, maaaring sampahan ng civil action for damages at injunction sa ilalim ng Sections 156 at 157 ng R.A. No. 10372 ang sinumang may magkaibang ina-advertise na serbisyo sa aktuwal na serbisyong kanilang ibinibigay.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments