Dagdag-multa sa illegal parking, oks na leksiyon para sa mga pasaway!
- BULGAR

- Jan 9, 2019
- 2 min read
LIMAMPU’T pitong sasakyan ang nahuli ng MMDA sa Maynila at Baclaran, Parañaque sa unang araw ng kanilang maigting na kampanya laban sa iligal na nakaparadang sasakyan. Ito rin ang unang araw ng mas mataas na multa para sa mga ito. Halos apat hanggang limang beses ang itinaas ng multa kaya hindi biro ang mahuling nakaparada sa bawal na lugar. Ang pagtaas ng multa ay para matuto ang mga pasaway na tila minamaliit ang dating multa.
Sana naman, walang pinipili ang MMDA dahil baka kapag sasakyan ng pulitiko, lokal na opisyal o empleyado ng lokal na pamahalaan pati mga pulis na off-duty ay pinalalampas na lang. Kung bawal pumarada sa lugar, bawal pumarada. Dapat matagal nang ipinatupad ito at napakaraming sasakyan ang nakaparada na lang kung saan-saan hindi na nga nakatutulong sa trapik, mas nakapagpapabigat pa. Bakit walang nahuli sa Quezon City, Mandaluyong, Makati, San Juan, Malabon, Navotas at iba pang lugar, wala bang MMDA r’yan?
◘◘◘
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), para tuluyang maging “sustainable” ang Boracay Island, mangangailangan ng P25.27 bilyon pamumuhunan. Mga imprastrukturang kailangang itayo para pangalagaan ang kalikasan ng isla kasama rin ang mga imprastruktura para sa turismo. Hindi lang daw sa gobyerno manggagaling ang pera kundi sa pribadong sektor na rin. Sana, hindi ito ang dahilan para magpasok ng casino sa isla, hindi ba?
Paano kaya papasok ang mga mamumuhunan mula sa pribadong sektor kung nagbago na ang mga polisiya sa isla at may limitasyon pa ang bilang ng turista? Kung hindi na ito ang kinikilalang “party place” para sa mga turista, may nais pa kayang pumasok dito? Natural na lamang sa mga negosyante na nais nilang maging matagumpay ang kanilang negosyo. Ibang klaseng turista na ang hinahanap sa Isla ng Boracay — turistang nagnanais ng katahimikan at kalinisan.





Comments