Buking na tinitiktikan ng PNP, sigaw ng mga guro: | ‘WAG N’YO KAMING I-TOKHANG!
- Jeff Tumbado
- Jan 8, 2019
- 2 min read

PINALAGAN ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang nabuking na profiling o anila’y paniniktikng Philippine National Police (PNP) sa kanilang mga miyembrong guro sa public at private schools.
“’Yang ginagawa nilang profiling sa ‘min ay nakakaalarma dahil hindi malayong ma-tokhang kami,” pahayag ng isa sa mga miyembro ng ACT kasabay ang pagsigaw nila ng huwag i-harass ang mga guro.
Una nang pinaratangan ng pulisya ang naturang grupo na “sympathizers” ng rebeldeng CPP-NPA... “Nag-isip ba kayo na ito ay magdudulot ng napakalaking takot?”
“We’re teachers, not terrorists…. Wala rin po kaming masamang nagawa. Alam ‘nyo iyon,” giit pa ng isa mga miyembro ng ACT.
Samantala, nagpahayag naman ng pagkabahala ang grupong mga manggagawa sa kautusan sa kapulisan na maglunsad ng profiling sa mga guro para tukuyin kung sino ang kasaping ACT.
Ayon kay Leody de Guzman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), ang kautusan ng national directorate for intelligence ng PNP na profiling sa mga guro ay dapat isapubliko at ipaliwanag ang layunin.
“Dinaig pa nito ang Martial Law. Dati namang may ginagawang paniniktik ang kapulisan at militar. Minamanmanan nila ang mga legal na samahan ng mamamayan, gaya ng mga unyon pero ngayon lamang na ginagawa ito nang hayagan at gamit ang ibang mga ahensiya ng gobyerno,” ani De Guzman.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, tanggal na sa serbisyo ang intel officer ng Station 3 sa Maynila, intel officer ng Station 6 sa Quezon City at intel officer ng Zambales.
Gayunman, nilinaw naman ni Albayalde na wala siyang iniisyung kautusan sa lokal na intelligence community para magsagawa ng profiling o paniniktik sa pagkuha ng impormasyon sa mga guro na miyembro ng ACT.
Sinibak din ng heneral ang kanyang hepe ng Intelligence Branch ng Police Station 3 ng Manila Police District (MPD) sa Sta. Cruz, Manila na si Chief Insp. Rexson Layug naumano’y nakalagda sa nag-leak na memo nito.
Sa bitbit na dokumento ng 50 miyembro ng ACT na nagsagawa ng kilos-protesta sa Gate 1 ng Camp Crame ay tinukoy din ni Albayalde ang iba pang police junior officials na sangkot sa “leakage” na sina Chief Inspector Pancho Doble ng Zambales Police Intelligence Branch at Chief Inspector Pete Aquino ng Southern Police District (SPD).





Comments