Oil company na nagpapataw ng excise tax sa 2018 inventory, ipapasara

POSIBLENG ipasara ng gobyerno ang mga oil company na nagpatupad ng second tranche ng fuel excise tax sa kanilang mga produkto na bahagi pa ng kanilang 2018 inventory.
Ayon kay Department of Finance (DOF) Assistant Secretary Tony Lambino, maaari lamang ipatupad ng mga oil company ang excise taxes kung maubos na ang kanilang inventories mula sa nakaraang taon.
Kung hindi aniya talaga susunod ang mga oil company dito, mahaharap ang mga ito sa administrative sanctions tulad na lamang ng pagpapasara ng negosyo o pagbawi sa kanilang lisensiya.
Bukod dito, maaari rin aniyang maharap ang mga ito sa criminal liabilites tulad ng estafa.
“Kung talagang hindi ka sumunod sa batas, may administrative sanctions tulad ng pagpapasara ng negosyo, pagbawi po du’n sa license,” giit ni Lambino.
“Puwede rin pong criminal ‘yung liabilities, tulad ng estafa. Kaya sana po inaasahan talaga natin na lahat naman po ay susunod,” dagdag pa nito.
Inabisuhan din ng naturang opisyal ang mga motorista na i-report ang mga gasoline station na nagbebenta ng produkto sa kahina-hinalang presyo. Dagdag pa ni Lambino na mahigpit din nilang binabantayan ngayon ang mga gasoline station.





Comments