NM DATU, GM LAYLO AT ABELGAS MGA NAGHARI SA PAMPANGA OPEN
- Eddie M. Paez, Jr
- Jan 7, 2019
- 1 min read

NANGHIYA ng mga dekalibreng chessers si National Master Alcon John Datu kasama na si Grandmaster Darwin Laylo at FIDE Master Roel Abelgas upang koronahan ang sarili niya bilang hari ng Pampanga Open Chess Tournament sa Marque Mall ng Angeles City.
Halos perpekto ang mga naging kilos ni Datu, 25-anyos at may 2330 na rating sa pananagasa niya hindi lang kina Laylo noong round 6 at kay Abelgas sa bakbakan sa round 7 kundi pati na rin kina Jerico Santiagel (round 1), Ronald Hermida (round 2), Woman International Master Kylen Joy Mordido (round 3), Jerry Areque (round 4), Darry Bernardo (round 5) at Kevin Arquero (round 8).
Sa huling yugto ng kompetisyon, sigurado na sa titulo si Datu kahit matalo pa pero humirit pa rin siya ng pakikipaghatian ng puntos laban kay Hart Lennon Salgados para makalikom ng kabuuang 8.5 puntos mula sa 9 rounds at maiposte ang runaway na panalo.
Nakaipon sina Laylo at Abelgas ng tig-pipitong puntos kasama sina Chiu Chin Samson Lim, NM Nelson Villanueva, International Master Ronald Dableo, Don Tyrone Delos Santos, Istraelito Rilloraza, Salgados at Antonio Almodial III pero dahil sa mas mataas na tiebreak points ay sina Laylo at Abelgas ang umokupa ng natitirang mga upuan sa podium.
Samantala, paninilat din ang naging tema ng kompetisyon sa Jardin Del Roca Blitz Tournament sa Toril, Davao City matapos masingitan ni National Master Jonathan Tan ang mga paboritong sina IM John Marvin Miciano at FM Austin Jacob Literatus upang maitakas ang korona ng Jardin Del Roca Blitz Tournament sa Toril, Davao City.




Comments