Liquor ban para sa Traslacion, simula na

SIMULA ngayong araw, Enero 7, ipatutupad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang liquor ban para sa preparasyon sa Traslacion 2019.
Ibinabala ito ni NCRPO Chief Director General Guillermo Eleazar kasunod ng apela sa mga nais makiisa sa prusisyon na huwag uminom ng alak para makaiwas sa anumang hindi inaasahang insidente.
Epektibo ang liquor ban simula ngayong araw ng gabi hanggang sa mismong araw ng Traslacion sa Enero 9.
Inabiso rin ni General Eleazar ang mga deboto na huwag magdala ng matutulis na gamit at iligal na bagay.
Paalala pa ng opisyal, huwag nang dalhin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa prusisyon dahil posibleng maipit sa milyun-milyong deboto ng Itim na Poong Nazareno.
Tiniyak naman ni General Eleazar sa publiko na magpapakalat ng 7,200 pulis at 2,000 sundalo para sa ligtas na pagdaraos ng nasabing kapistahan.





Comments