Kaawa-awang kalagayan ng ilang ospital sa probinsiya, bigyang-pansin!

SINAMANTALA natin ang Christmas break para mag-ikot sa mga ospital sa probinsiya tulad ng palagi nating ginagawa bilang chairman ng Senate Committee on Health and Demography.
Tulad ng dati, ang inabutan natin sa mga provincial hospital o LGU (local government unit) hospital ay hilera ng mga pasyente na nasa pasilyo, kulang at lumang hospital equipment maging ang hospital building ay luma na rin.
Nakikinikinita tuloy natin na pumapasok ang mga pasyente sa mga ospital nang nakahiga tapos lumalabas nang nakahiga pa rin dahil hindi sila gumaling.
Sa sitwasyon na siksikan ang mga pasyente na kadalasan dalawa o tatlo sa pang-isahang kama na giray-giray na rin na nakahilera sa pasilyo, nakapila sa paggamit ng iilang medical equipment na sa kalumaan ay parang bibigay na rin, malamang hindi talaga sila gumaling.
Ang ganitong nakalulungkot na kalagayan sa mga pampublikong ospital, lalo na sa mga probinsiya, ang dahilan kaya natin ipinaglalabang maibalik ang mahigit P16 bilyong pondo para sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP) na tinanggal sa 2019 budget ng DOH kaya walang bagong HFEP project ngayong taon.
Ang masakit pa rito, ‘yung mga ongoing expansion at upgrading ng barangay health stations, regional health units at provincial at LGU hospitals ay matetengga rin.
Okay lang sa atin na wala munang bagong proyekto, pero sana, tapusin na ang mga malapit nang matapos na expansion at upgrading at lagyan na ng equipment.
Sa totoo lang, sa HFEP lang umaasa ang mga ospital na ito, lalo na ‘yung poorest of the poor provinces.
Kung ang dahilan ng pagtatanggal ng HFEP budget ay ang mahina umanong paggamit ng DOH ng pondo, bakit ang parurusahan ay ang mga pasyente?
Nais natin ay maging maayos ang kalagayan ng mga maysakit kapag na-confine sila kaya natin ipinaglalaban ang HFEP fund.
Hindi pa aprubado ang panukalang 2019 National Budget kaya may pagkakataon pa tayong ihirit ito.





Comments