Bukod sa masarap itong kainin, mga lodi...TILAPIA, EPEKTIB NA PANGGAMOT SA MGA SUGAT!


SA panahon ngayon, kung anu-ano na ang puwede nating gawin sa mga pagkain. Halimbawa, ang balat ng tilapia ay puwedeng gawing tilapia sticks o kaya ay tilapia chicharon. Pero, knows ba ninyo na ang balat ng tilapia ay keri ring gamitin bilang bandage para sa mga sugat at burn? Wow!
Ayon sa mga siyentipiko, ang paggamit ng balat ng isda, partikular na ang tilapia ay puwedeng maging alternatibong bandage na panggamot sa sugat at burns.
Ang balat ng tilapia ay mayaman sa moisture at uri ng collagen na halos kapareho ng protein na mayroon sa balat ng tao.
Sa katunayan, nasa 300 pasyente na ang nakasubok ng treatment na ito sa iba’t ibang lugar kung saan ayon sa mga eksperto, inihahalintulad ng ilang pasyente, partikular ng mga bata ang balat ng tilapia sa superhero na si Aquaman.
Bagama’t, nag-aalinlangan ang ilang pasyente na lapatan ng balat ng isda ang kanilang sugat, marami pa ring mga batang pasyente ang dumarating sa ospital at mas gusto nilang ipalagay ang kakaibang bandage na ito.
Ayon sa mga eksperto, sumailalim sa proseso ng paglilinis ang balat ng isda, kaya hindi dapat mangamba ang mga pasyente na baka mayroong bakterya at malansang amoy ang balat ng tilapia na gagamitin sa kanila.
Pagkatapos ma-sterilized ang balat, kailangang dumaan sa radiation therapy ang tilapia skin para matanggal ang virus nito, gayundin maaari umanong tumagal nang dalawang taon ang tilapia skin kung ilalagay ito sa refrigerator.
Samantala, para magamit ito bilang bandage, kailangan itong gupitin depende sa laki ng sugat at ilagay ito sa bahagi ng katawan na kailangang gamitan ng treatment.
Pagkatapos ng isang linggo, maaari nang tanggalin ang ginamit na tilapia skin.
Ayon sa mga pasyente na nakasubok na ng kakaibang treatment na ito, hindi sila gaanong nakaranas ng sakit kung ikukumpara sa tradisyunal na paraan nang panggagamot ng mga sugat.
Maliban pa rito, mas matipid umano itong gamitin dahil hindi na ito kailangan pang linisan at palitan, araw-araw.
Kaya para sa mga beshy natin diyan na prone sa pagkakaroon ng sugat o paso, pero ayaw makaramdaman ng sakit, ito na ang solusyon ninyo para r’yan.
Gets mo?





Comments