Karapatan ng mga guro sa pampublikong paaralan
- BULGAR

- Jan 6, 2019
- 4 min read
TUNAY na ang edukasyon ay mahalagang kasangkapan para sa kaunlaran ng ekonomiya ng bansa. Ang pagiging guro ay propesyon na maituturing na napakadakila. Bukod sa tiyaga ay kailangan din ng napakahabang pasensiya sa pagtuturo upang maipaintindi sa mga mag-aaral ang mga bagay na dapat nilang matutunan sa kanilang murang edad. Hindi matatawaran ang kadakilaan ng propesyong ito. Kaya ipinasa ang Republic Act (R.A.) No. 4670 o mas kilala sa tawag na Magna Carta for Public School Teachers upang bigyan ng proteksiyon ang mga guro na naglilingkod sa pampublikong paaralan maliban sa professorial staff ng state colleges at universities.
Nakasaad sa deklarasyon ng polisiya ng naturang batas ang mga sumusunod:
“It is hereby declared to be the policy of this Act to promote and improve the social and economic status of public school teachers, their living and working conditions, their terms of employment and career prospects in order that they may compare favorably with existing opportunities in other walks of life, attract and retain in the teaching profession more people with the proper qualifications, it being recognized that advance in education depends on the qualifications and ability of the teaching staff and that education is an essential factor in the economic growth of the nation as a productive investment of vital importance.”
Makikita sa polisiya ng nasabing batas na may layunin ang estado na pagandahin ang sosyal at ekonomikong estado ng mga guro, pagandahin ang kanilang kondisyon sa kanilang pagtatrabaho para maipantay man lang sila sa mga kasalukuyang oportunidad na nakaabang sa iba pang klase ng propesyon. Gayundin, taglay nito ang mga karapatan tulad ng karapatang magkaroon ng seguridad sa panunungkulan (security of tenure).
Ang pagkakaroon ng security of tenure ay karapatan na magkaroon ng kasiguruhan sa kanilang pinagtatrabahuhan at hindi sila maaaring tanggalin maliban lamang kung mayroong just o authorized cause.
Ang permanenteng guro ay hindi rin maaaring ilipat sa ibang lugar kapag wala itong pahintulot, maliban lamang kung dahil sa tawag ng tungkulin ay kinakailangan siyang mailipat sa ibang lugar para magturo. Ang nasabing paglipat ay maaaring bigyan ng epekto ng school superintendent kapag nasabihan na ang nasabing guro at naipaalam sa kanya ang dahilan ng kanyang paglilipat.
Kapag may alinlangan ang nasabing guro sa dahilan ng kanyang paglilipat ay maaari niyang iapela ang kanyang kaso sa Director of Public Schools o Director of Vocational Education. Habang pinag-aaralan ang kanyang apela ay ipagpapaliban muna ang paglilipat sa nasabing guro. Subalit, walang mangyayaring paglilipat sa loob ng tatlong (3) buwan bago ang lokal o pambansang eleksiyon (local or national election).
Kapag ang permanenteng guro ay sinampahan ng kasong administratibo, siya ay may karapatang mapadalhan ng notice in writing kung ano ang ikinakaso laban sa kanya.
Siya rin ay binibigyan ng karapatan na magkaroon ng layang masuri ang mga ebidensiya na inihain laban sa kanya. Tulad sa ibang kaso, siya rin ay may karapatang depensahan ang kanyang sarili at kung may desisyon nang nailabas laban sa kanya ay may karapatan siyang iapela ang nasabing desisyon.
Ayon sa Seksiyon 13 ng nabanggit na batas, ang guro ay hindi dapat bigyan ng higit sa anim (6) na oras sa bawat araw na pagtuturo sa silid-aralan.
Subalit, kung kinakailangan niyang magtrabaho ng higit sa anim (6) na oras, maaari itong gawin subalit, hindi mas mataas sa walong (8) oras sa bawat araw. Ang nasabing labis na oras ay dapat mabayaran ng parehong halaga ng kanyang suweldo at karagdagang dalawampu’t limang porsiyento (25%) ng kanyang suweldo. Ito ay para mabigyan siya ng pagkakataong makapaghanda ng kanyang leksiyon at ng iba pang gawain na may kinalaman sa kanyang pagtuturo .
Tulad ng ibang ahensiya ng pamahalaan, ang mga guro ay mayroong karapatang makisapi sa legal na organisasyon upang madepensahan ang kanilang mga interes. Ang pagpaparanas ng diskriminasyon sa mga gurong kasapi at sasapi sa lehitimong organisasyon ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas.
Bukod pa rito, ang mga guro ay may karapatan ding magkaroon ng study leave at retirement benefits. Subalit, ang study leave ay maaaring magamit lamang kapag ang guro ay may pitong (7) taon na sa serbisyo.
Ito ay hindi hihigit sa isang (1) school year. Habang nakaliban ang guro, siya ay sasahod ng hindi bababa sa animnapung porsiyento (60%) ng kanyang buwanang suweldo. Ang haba ng nasabing study leave ay hindi dapat hihigit sa isang (1) taon maliban lamang kung kinakailangan niya ng isa (1) pang semestre para tapusin ang kanyang thesis na kinakailangan sa graduate studies o iba pang allied courses. Kung ang study leave ay lalampas ng isang (1) taon, walang matatanggap na kompensasyon ang guro para sa nasabing mga araw.
Ang mga guro sa pampublikong paaralan na umabot na sa retirement age at service requirements ng tungkol sa mga batas, sila ay tatanggap ng one range salary raise upon retirement na magiging basehan para sa pagkukuwenta ng lump sum ng retirement pay at monthly benefits para sa nasabing mga guro.
Higit sa lahat, ang mga guro ay binibigyan ng academic freedom o laya na isagawa ang kanilang tungkulin bilang mga guro, partikular na kung paano sila magtuturo sa kanilang mga silid-aralan.




Comments