Truck driver nahulog sa patung-patong na kahon, tigok

ISANG 47-anyos na truck driver ang nasawi makaraang mahulog at matabunan ng tinutuntungan nitong mga kahon na kanilang isinasakay sa trak sa loob ng kumpanyang pinagtatrabahuhan sa Quezon City.
Nakilala ni Police Insp. Nick Fontanilla ang biktima na si Salvador Limbo Jumao-as, residente ng Bagong Silang, Caloocan City.
Batay sa pahayag ni Ednick Dumayawan, pahinante ng biktima, nangyari ang insidente alas-7:45 ng gabi sa Oriental Tin Can warehouse sa Bgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches.
Nasa ibaba umano si Dumayawan at tinutulungan ang biktima na noon ay nakatuntong sa patung-patong na kahon ng tin cans na isinasakay sa kanilang truck subalit, nawalan umano ng balanse si Jumao-as at nahulog.
Agad namang naisugod sa Quezon City General Hospital si Jumao-as subalit, binawian din ng buhay sanhi umano ng tinamong 'severe traumatic injury' sa ulo at katawan.





Comments