IM SENADOR, FIDE MASTER VILLANUEVA NAKA-PODIUM SA MALAYSIAN RAPID CHESS

NAGPARAMDAM ang mga Pinoy chessers ng tikas sa paspasang ahedres matapos masikwat nina International Master Emmanuel Senador, FIDE Master Nelson Villanueva at untitled Ian Udani ang mga upuan sa podium sa kani-kanyang larangan nang magsara ang Malaysian Rapid Chess Open at Blitz Chess Open sa Malaysia.
Kumamada si Senador, 58-anyos at may rating na 2306 ng anim na panalo at tatlong tabla para makaipon ng kabuuang 7.5 puntos mula sa 9 na rounds na bakbakan sa Rapid Chess. Sapat na ito para maikandado ang pangalawang puwesto.
Kasama sa mga naturuan niya ng leksyon ay sina Ming Ray Goy (round 1), Melanie Wei Wei Koo (round 2), Darrel Egin Yap (round 3), FM Sumant Subramaniam (round 4), Rusyaidi Emir Nazari Ahmad (round 5) at Wen Shan Tin (round 8) habang hinatak sa isang hatian ng puntos sina Grandmaster Alexei Barsov (round 6), Iranian Hashemiheydari (round 7) at Ian Udani (round 9). Si Barsov ay nakakolekta ng 8 puntos para sa korona samantalang naiposte ni Udani ang 7 puntos para selyuhan ang isang 2-3 wind-up ng mga kinatawan ng Pilipinas.
Kagaya ni Senador, bridesmaid din ang naging papel ni Villanueva, may rating na 2219, matapos siyang makapagrehistro ng pitong panalo at isang draw sa blitz chess. Ang pambato rin ng Uzbekistan na si Barsov ang namayani sa larangang ito bitbit ang walong puntos samantalang ang Malaysian na si Sheng Yip Chan (7.0 puntos) ang pumangatlo sa torneong umakit ng 96 na mga blitz chess advocates.





Comments