Hustisya para sa batang namatay dahil sa pambubugbog ng kanyang sariling ina sa Cebu, ibigay!
- BULGAR

- Jan 3, 2019
- 2 min read
NOONG nakaraang taon, sunud-sunod ang kaso ng pambubugbog kung saan nag-viral ang iba’t ibang video sa social media na talagang ikinagalit ng mga netizen.
Gayunman, nakalulungkot na bago magtapos ang taon ay naging biktima rin ng pambubugbog ang isang bata mula sa Cebu na binawian ng buhay sa kamay ng sarili niyang magulang.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, binugbog umano ng inang si Thelma Cabataña ang kanyang anak na si Kent Joseph, 6 na taong gulang dahil ayaw nitong uminom ng gamot para sa kanyang lagnat noong Disyembre 30, 2018.
Ito rin ang dahilan kaya umano nahulog ang bata sa unang palapag ng kanilang bahay sa San Remegio, Cebu.
Dahil sa nangyari, dapat lang na kasuhan ng parricide si Thelma Cabataña upang panagutan ang ginawa niyang kasalanan sa batas.
Samantala, kahit kailan, hindi naging tama ang pamamalo sa anak dahil lang sa ayaw nitong uminom ng gamot, lalo na at may sakit na nararamdaman.
Naiintindihan natin na mahirap maging magulang, pero kalakip ‘yun ng responsibilidad na ating sinimulan kaya hindi natin ito dapat isumbat sa kahit na sinong nilalang.
Sa ngayon, nais nating makamit ang katarungan para sa batang walang kamalay-malay na binawian ng buhay dahil sa sarili niyang nanay na dapat mag-aaruga at magmamahal sa kanya.
Dagdag pa rito, sa sunud-sunod na mga kaso ng pambubugbog sa mga bata, hindi dapat pumapayag ang gobyerno na ipagsawalambahala ang mga ganitong pangyayari, lalo na kung may buhay ng pinag-uusapan.
Kaya ang panawagan natin sa mga kinauukulan, gumawa ng paraan upang matuldukan ang hindi makatarungang pananakit ng mga magulang na humahantong sa kamatayan sa kanilang mga musmos na anak.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments