top of page

Worried sa pabalik-balik na ubo ng anak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 2, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Ilang araw na ang ubo ng 2 years old kong anak. Niresetahan at binigyan siya ng doktor ng antibiotic at gamot para sa lagnat. Gayunman, paminsan-minsan ay bumabalik pa rin ang ubo niya, pero wala na siyang lagnat. Gusto kong malaman kung delikado ba ito? — Hilda

Sagot Alam ba ninyo na ayon sa World Health Organization (WHO), ang pneumonia ang kinikilalang numero unong silent killer ng mga bata? Ang pneumonia o pulmonya ay naiiwasan at nagagamot na sakit. Ito ay tumutukoy sa kondisyon na may impeksiyon sa baga o parte ng respiratory system na dulot ng bacteria, virus, fungi o parasites o pagpasok ng tinatawag na irritants sa baga tulad ng kemikal, pagkain o alikabok na siyang nagigiging dahilan ng pamamaga ng sistemang ito.

Ito ay karaniwang nagsisimula kapag ang tao ay huminga ng mikrobyo sa kanyang mga baga. Maaaring tumaas ang tsansa na makakuha ng sakit na ito pagkatapos ng pagkakaroon ng trangkaso (flu). Malaki ang tsansa na magkasakit ng pneumonia ang mga taong mayroon nang pangmatagalang sakit tulad ng hika, sakit sa puso, kanser at diabetes.

Narito ang mga sintomas nito:

  • Pag-ubo na may halong uhog o plema na kulay berde o may bahid ng dugo.

  • Mataas na lagnat.

  • Mabilis na paghinga at pakiramdam na pagkapos ng hininga.

  • Malubhang panginginig na may kasamang pangangatal.

  • Bahagyang pagkulay asul ng labi at mga kuko.

  • Pananakit ng dibdib na lumalala tuwing nauubo o humihinga.

  • Mabilis na pagtibok ng puso.

  • Pakiramdam na sobrang pagod.

  • Pagduruwal o pagsusuka.

  • Madalas na pagdurumi.

Gayunman, minsan, naiiba ang mga sintomas na mararanasan depende sa edad. Pinapayuhan na magpasuri at magpakonsulta ulit sa inyong doktor.

Gayundin, kinakailangang sundin nang mabuti ang pag-inom sa mga antibayotikong iniresta ng doktor.

Narito ang mga paraan para maiwasan ito:

  • Pagpapakuha ng pneumococcal vaccine, lalo pa kung higit na sa edad 65, naninigarilyo o may sakit sa puso o sa baga.

  • Ugaliing maghugas ng mga kamay gamit ang sabon upang mapigilan ang pagkalat ng virus at bacteria na nagdudulot ng pneumonia.

  • Maigi at maayos na paghuhugas ng mga kasangkapang ginamit sa pagluluto at pagkain.

  • Sikaping mag-ehersisyo.

  • Iwasan ang paninigarilyo.

  • Iwasan ang sobrang pag-inom ng alak.

  • Sikaping magkaroon ng sapat na tulog.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page