NIETES, 4 world division champ WAGI SA SPLIT DECISION vs. IOKA
- BULGAR

- Jan 2, 2019
- 2 min read

GANAP nang naging 4 division world champion si Donnie ‘Ahas’ Nietes nang talunin si Kazuto Ioka sa Macau para sa WBO junior bantamweight title noong Bisperas ng Bagong Taon sa Macau. (Ring photo)
NABIGYAN na muli ng karangalan ni Donnie ‘Ahas’ Nietes ang Pilipinas sa Bisperas ng Bagong Taon!
Nakahilera na ngayon si Nietes sa ilang Pinoy boxers na may hawak na world titles na may apat na dibisyon ng korona nang makuha bago magtapos ng 2018 ang split decision victory laban kay Kazuto Ioka at pagwagian ang bakanteng WBO junior bantamweight title na idinaos sa Wynn Palace Cotai sa Macau.
Dalawang judges ang nagbigay ng iskor sa laban para kay Nietes ng 118-110 at 116-112 habang ang ikatlong judge ay may 116-112 para kay Ioka na pakay sana na maging four-division champion pero tinalo siya ng Pinoy.
Nagawang kontrolin ni Nietes, 36, na tubong Murcia sa kaagahan ng round ang laban sa bisa ng mga malulupit na counterpunches at uppercut, maging ng kanang mga mabibilis na upak.
Nagawa pang makapag-adjust ni Ioka, 28 ng Osaka, Japan pagdating ng 5th round pero tinapatan pa rin siya ni “Ahas”. Ilang mga upak sa katawan ni Ioka ang siyang nagpahina sa Hapon.
Dito nakakuha na nang sapat na pagkakataon si Nietes pagdating ng 7th round nang maging close fight ang laban at tuluyan nang hindi umurong sa pakikipagpalitan ng upakan ang Pinoy at sa bisa ng kanan at hook shot ay gumihay ang Hapon.
Sa naturang panalo ni Nietes, (42-1-5, 23 knockouts) idinagdag na niya ito sa kanyang koleksiyon ng mga korona kabilang na ang WBO titles sa 105 at 108 pounds, ang isa pang Ring title na 108, at ang IBF belt sa 112 pounds.
Ang panalo na rin ang ika-18 taon na niya bilang professional fighter at HBO debut at maging ring pound-for-pound list na ngayon ay nasa ranked no. 10 na siya. Unang nabigo si Nietes sa 115-pound title sa una niyang tangka nang humantong sa kontrobersiyal na draw laban kay Aston Palicte noong Setyembre. Natalo si Ioka (23-2, 13 KOs) sa unang beses sa apat na taon, natuldukan ang 9 fight winning streak sa bisa ng split decision kay Anat Ruenroeng. (MC)





Comments