Malinaw ayon sa birthday... BEBOT NA NAKATAKDANG MAGKAROON NG MAGANDANG CAREER AT LOVE LIFE NGAYONG
- BULGAR

- Jan 2, 2019
- 3 min read
Dear Maestro,
Napasulat ako sa inyo, Maestro, upang itanong kung kailan ako magkaka-boyfriend?
Malungkot ang buhay ko ngayon dahil bukod sa wala akong nagiging boyfriend, wala rin akong regular na trabaho, kaya nais kong malaman kung kailan ako susuwertehin sa buhay, lalo na sa career, gayundin sa love life?
Sana, mapayuhan din ninyo ako para magkaroon ng direksiyon at kaligayahan ang buhay ko. April 29, 1990 ang birthday ko.
Umaasa,
Roxane ng Sta. Maria, Camiling, Tarlac
Dear Roxane,
Ang birth date mong 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2) sa destiny number na 7 (4+29+1990=2023/ 20+23=43/ 4+3=7) ay nagsasabing, ikaw ay napabilang sa mga tinatawag na weak number o weak personality.
Nangyaring weak number ang iyong kapalaran dahil ang iyong birth date na 2 at destiny number na 7 ay kapwa weak number o mahinang numero.
Ito rin ay tanda na kaya hindi ka gaanong sinusuwerte ngayon sa career at sa pag-ibig dahil weak o mahina rin ang iyong personalidad.
At dahil nagkataong kapwa weak ang birth date na 2 at destiny number mong 7, ang pinakamagandang solusyon upang magsimula nang dumating ang suwerte at magandang kapalaran sa iyong buhay lalo na ngayong 2019 ay unang-una, makipagkaibigan ka sa mga taong may “strong number”.
Sinu-sino ba ang mga taong may strong number na dapat mong makasama palagi at maging kaibigan upang maambunan ka nila ng kakaibang suwerte at magandang kapalaran?
Ang mga taong may strong number na magbibigay sa iyo ng magandang kapalaran ay silang mga isinilang o kaya ay may mga destiny number na, 1, 10, 19, 28, 9, 18, 27, 8, 17, 26, 6, 15 at 24, higit lalo kung ang zodiac signs ng nasabing mga tao ay Virgo, Libra, Capricorn, Scorpio at kapwa mo Taurus.
Ang mga taong nabanggit ang nakatakdang magpabago ng iyong buhay patungo sa maaliwalas at magandang kapalaran.
Bukod sa nasabing mga number o birth date, puwede mo ring samahan at maging kaibigan silang may mga birth date o destiny number na 7, 16 at 25, magdadala rin sila sa iyo ng suwerte at magandang kapalaran.
Pangalawa, palagi kang magsuot ng mapalad mong kulay kung saan ang mapapalad mong kulay ay berde, dilaw, pula at itim. Kapag palagi mong isinuot ang nasabing mga kulay tulad ng nasabi na, magsisimula ka nang suwertehin hindi lamang sa career kundi pati na rin sa aspeto ng pag-ibig at pakikipagrelasyon.
Mapalad ka tuwing sasapit ang mga araw ng Lunes, Huwebes at Biyernes, higit lalo sa mga petsang 9, 18, 27, 6, 15, 24, 1, 10, 19, 28, 7, 16 at 25. Kusa namang iigting ang mabuting kapalaran sa buhay mo sa mga buwan ng Abril hanggang Mayo, Setyembre hanggang Nobyembre at Disyembre hanggang Enero.
Pangatlo, dapat mo ring pagandahin at ayusin ang iyong lagda at upang mapaganda mo ito, sa halip na ibalikwas mong pakaliwa ang dulong bahagi ng letrang “n”, mas mainam na pasibatin mo ang dulong guhit na nalilikha ng pinakapaa ng letrang “n” ay pasibatin mo ito patungo sa direksiyong pakanan.
Sa ganyang bago at mas magandang pirma, wala nang bumabalik na guhit patungong kaliwa, sa halip, puro patungong kanan na ang stroke sa iyong lagda, gaganda na ang laman ng panloob at panlabas mong kaisipan hanggang sa tuluy-tuloy na ring gumanda ang dating ng suwerte at magandang kapalaran.
At sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyong nabanggit na sa itaas, tiyak ang magaganap, ayon sa Decadens ng Kapalaran ngayong 2019, sa edad mong 29 pataas, sa mga buwan ng Setyembre hanggang Nobyembre, magkakaroon ka ng regular na trabaho at kasabay nito, kusa na ring darating sa buhay mo ang mabait at tapat na boyfriend na isinilang sa buwan ng Setyembre, na sa malapit na hinaharap ay makakasama mo sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments