#HOTNEWSNG2018
- BULGAR

- Dec 31, 2018
- 6 min read

ENERO - SA unang araw ng taon, naging epektibo ang Republic Act No. 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law kung saan hindi na papatawan ng buwis ang mga manggagawang sumasahod ng P250,000 pababa kada taon. Kasabay nito ang dagdag-tax sa presyo ng petrolyo na sinundan ng taas-presyo ng mga bilihin.
ENERO 5, nang palayain ang dating gobernador ng Palawan na si Joel Reyes matapos ang mahigit dalawang taong pagkakakulong kaugnay sa kaso ng pagpatay kay Dr Gerry Ortega, isang brodkaster at environmentalist noong 2011.
SUMABOG ang Bulkang Mayon kung saan itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang alert level warning sa Alert Level 4, isang antas na mas mababa sa pinakamataas na alert level warning.
AFTER 36 years, nasaksihang muli sa Pilipinas at iba pang bahagi ng mundo ang tatlong pambihirang lunar event na tinatawag na Super Blue Blood Moon.
PEBRERO - NILAGDAAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas para sa libreng irigasyon ng mga magsasaka. Nakapaloob sa Free Irrigation Act of 2018 o Republic Act No. 10969 na libre na ang irrigation fee sa mga magsasaka na hindi lalagpas ng walong ektarya. Pinirmahan din ang Republic Act 10970 na nagdedeklarang National Tech-Voc Day ang ika-25 ng Agosto kada taon.
NAGPALABAS ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema sa anumang pagdinig ng Sandiganbayan kaugnay sa Mamasapano case na kinahaharap ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III. Batay ito sa inihaing petisyon ng mga kaanak ng dalawa sa 44 na Special Action Forces commandos na nasawi sa operasyon sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015.
NAGDEKLARA ng total ban sa pagpapadala ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait kasunod ng pagkakatuklas sa bangkay ng Pinay sa freezer sa isang apartment sa Kuwait.
INIUTOS ng Senado ang pag-aresto kay ex-Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista, dahil sa hindi nito pagsipot sa imbestigasyon sa isyu ng umano’y ill-gotten wealth nito.
HUMARAP naman sa Kamara sina dating Pangulong Benigno Aquino III at ex-Budget Secretary Florencio ‘Butch’ Abad, kaugnay sa kontrobersiyal na dengue vaccine.
MARSO - NILAGDAAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 10973, na nagbabalik ng kapangyarihan sa piling opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa pag-iisyu ng subpoena sa mga kasong nasa ilalim ng imbestigasyon.
SA botong 38-2, nakitaan ng House Committee on Justice ng probable cause ang impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
KINASUHAN sa Sandiganbayan si dating Vice-President Jejomar Binay, Sr. at anak na si dating Makati City Mayor Jejomar Erwin ‘Junjun’ Binay, Jr. kaugnay ng P1.3 bilyong anomalya sa pagpapatayo ng Makati Science Building.
INABSUWELTO ng piskalya ng Department of Justice (DOJ) ang negosyanteng si Peter Lim, self-confessed drug distributor na si Kerwin Espinosa at 20 iba pa sa reklamong nag-uugnay sa kanila sa iligal na droga dahil sa kahinaan umano ng ebidensiya.
KUMALAS ang Pilipinas sa Rome Statute of the International Criminal Court, isang treaty na lumikha sa International Criminal Court (ICC) kung saan naging signatory ang Pilipinas noong 1998. Sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipinalabas ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, ito ay dahil sa pagiging biased umano ng United Nations sa Pilipinas. Sa ngayon, nagsasagawa na ng preliminary examination ang ICC sa war on drugs ni P-Duterte.
ISANG pampasaherong eroplano ang bumagsak sa isang residential area sa Plaridel, Bulacan. Patay ang limang sakay ng Piper PA-23 Apache na eroplano ng Lite Air Express habang lima rin ang nasawi sa binagsakang lugar.
ABRIL - INUMPISAHAN na ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ng Korte Suprema ang recount sa mga balota sa pagka-bise-presidente kaugnay na rin sa inihaing electoral protest ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. laban kay Vice-President Leni Robredo.
ABRIL 26 nang pansamantalang isinara ang Boracay para bigyang-daan ang anim na buwang rehabilitasyon sa isla dahil sa pagtaas ng fecal coliform concentration sa dagat dulot ng iligal na pagtatayo ng mga istruktura at mga sewerage pipe na naglalabas ng maruming tubig diretso sa dagat.
MAYO - SA botong 8-6, tinanggal sa puwesto ng kanya mismong mga kapwa Mahistrado sa Supreme Court (SC) si Chief Justice Maria Lourdes Sereno, matapos paboran ng mayorya sa kanila ang quo warranto petition laban sa kanya. Naniwala ang karamihan sa mga hukom na sapat na basehan ang umano’y kulang-kulang na SALN ni Sereno para alisin ito bilang Chief Justice. Naganap ang desisyon habang hindi pa naipapasa ng House of Representatives ang impeachment case laban kay Sereno sa Senado.
MATAPOS ang pagkaantala, Mayo 14 nang matuloy ang eleksiyon para sa mga posisyong pambarangay at Sangguniang Kabataan (SK).
HUNYO - ISANG pari ang pinatay sa loob ng chapel sa Bgy. Mayamot, Zaragoza, Nueva Ecija. Kinilala ang biktima na si Fr. Richmond Nilo ng Diocese of Cabanatuan. Magsisimula nang magmisa ang pari nang pumasok ang dalawang salarin na nagpanggap na magsisimba saka binaril ang biktima na kanyang ikinamatay.
HULYO - BINARIL at napatay habang dumadalo sa flag raising ceremony sa city hall ang kontrobersiyal na alkalde ng Tanauan City, Batangas na si Antonio Halili. Tinamaan ito ng bala sa dibdib habang inaawit ang Lupang Hinirang. Laman ng mga balita ang alkalde dahil sa kakaiba nitong kampanya kontra droga at krimen sa pamamagitan ng ‘walk of shame’.
PATAY naman sa pananambang ang bise-alkalde ng Trece Martires, Cavite na si Alexander Lubigan.
AGOSTO - SUMADSAD ang isang eroplano ng Xiamen Airlines na galing China, sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Galing Xiamen, China ang eroplano at papuntang Maynila nang mag-hard landing. Ligtas ang 157 pasahero at 8 crews ng eroplano bagama’t, naantala ang ilang operasyon sa paliparan.
ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte si Associate Justice Teresita de Castro bilang bagong Chief Justice ng Korte Suprema, kapalit ni dating CJ Maria Lourdes Sereno na pinatalsik ng mga kapwa nito Mahistrado sa pamamagitan ng pagpabor sa quo warranto petition na isinampa ng Office of the Solicitor General (OSG).
IPINAWALAMBISA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiya na ibinigay ni dating Pangulong Benigno Aquino III kay Senator Antonio Trillanes IV noong 2010 kaugnay sa pagkakasangkot nito sa umano’y kudeta laban sa administrasyong Arroyo. Batay sa Proclamation No. 572 na pinirmahan ni P-Duterte noong August 31, 2018, nakasaad na walang bisa mula pa simula ang amnestiya na ibinigay kay Trillanes dahil hindi ito tumugon sa ‘minimum requirements to qualify under the amnesty proclamation’.
SETYEMBRE - NASA 82 ang namatay sa pananalasa ng Bagyong Ompong kabilang ang mga small-scale miner at kanilang pamilya na pinaniniwalaang nagtago sa dating bunkhouse ng isang minahan sa Itogon, Benguet.
HINATULAN ng Malolos Regional Trial Court (RTC) si dating Major General Jovito Palparan na guilty sa mga kasong kidnapping at illegal detention kaugnay sa pagkawala noong 2006 ng dalawang mag-aaral ng University of the Philippines.
UMABOT naman sa 53 ang natagpuang bangkay sa naganap na landslide sa Naga City, Cebu.
OKTUBRE - SIYAM na sugarcane workers ang nasawi kabilang ang ilang bata at babae, matapos pagbabarilin ng mga lalaki sa loob ng isang asyenda sa Sagay, Negros Occidental.
NOBYEMBRE - HINATULAN ng guilty ng Sandiganbayan si dating first lady at ngayo’y Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos sa mga kasong graft dahil sa umano’y financial interests nito noong siya pa ang Minister of Human Settlements at interim member ng Kongreso. Sa desisyon ng Sandiganbayan 5th Division, guilty beyond reasonable doubt si Marcos sa 7 counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
BUMISITA sa Pilipinas si Chinese President Xi Jinping kung saan nagkaroon ng official welcome ceremony sa Malacañang at pinag-usapan ang magiging partisipasyon ng Tsina sa ilang Build Build Build program ng gobyerno. Ang huling state visit sa bansa ng isang pangulo ng Tsina ay nangyari 13 taon na ang nakalilipas.
DISYEMBRE - INABSUWELTO ng Sandiganbayan 1st Division si dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. sa kasong plunder kaugnay ng umano’y milyun-milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) na idinaan umano sa bogus non-government organizations (NGO) ni Janet Lim Napoles.
MATAPOS ang 117 taon, naibalik na sa Pilipinas ang tatlong makasaysayang kampana o ang tinaguriang Balangiga Bells na kinuha ng mga sundalong Amerikano noong panahon ng Filipino-American war noong 1901.
PINAGTIBAY ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang pagpapalawig ng Martial Law at pagsuspinde ng prebilehiyo ng writ of habeas corpus sa Mindanao. Ito na ang ikatlong beses na napalawig ang Martial Law sa Mindanao sa harap ng nagpapatuloy pa ring banta ng karahasan at terorismo sa rehiyon.
KINORONAHAN bilang Miss Universe 2018 ang pambato ng Pilipinas na si Catriona Gray. Bigo mang maiuwi ang titulo sa Miss World noong 2016 ay nagtagumpay naman ang Albay beauty na masungkit ang ikaapat na Miss Universe crown ng Pilipinas. Tinalo ni Catriona ang 93 pang kandidata mula sa iba’t ibang bansa.
IBINASURA ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 ang kasong electoral sabotage na isinampa laban sa dating pangulo at ngayo’y House of Representative Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. Pinaboran ng korte ang kampo ni Arroyo dahil walang sapat na ebidensiya ang akusasyon dito at hindi aniya napatunayan ng prosekusyon ang inaakusa ritong electoral sabotage.





Comments