Pagtatag ng 8888 Citizen's Complaint Hotline sa SSS, malaking tulong

ISA sa mga programa ng administrasyong Duterte ang pagtatag ng 8888 Citizen’s Complaint Hotline. Rito idinudulog ng ating mga kababayan ang kanilang katanungan, kahilingan, reklamo at suhestiyon para mabigyan ng agarang aksiyon. Dahil dito, bumibilis ang mga transaksiyon sa mga ahensiya ng pamahalaan kaya nababawasan din ang insidente ng graft and corruption.
Bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagbuo ang SSS ng sarili nitong Hotline 8888 Team para pangasiwaan at tutukan ang lahat ng kasong idinulog sa 8888.
Ang lahat ng reklamo ay sinusuri para isangguni sa mga department, unit at sangay ng SSS na may kinalaman sa nasabing kaso para sagutin sa loob ng isang araw. Kailangang ang aksiyon sa bawat kaso ay ipadala sa SSS Hotline 8888 Team sa Civil Service Commission (CSC), ang ahensiya ng gobyerno na tagapangasiwa ng Citizen Hotline 8888.
Bilang isa sa mga ahensiya ng gobyerno na may pinakamalaking bilang ng mga miyembro, maraming dumudulog sa Hotline 8888 para sa agarang solusyon ng kanilang transaksiyon sa SSS. Isa sa istratehiya ng SSS ay gawing prayoridad ang lahat ng kaso na idinulog sa Hotline 8888 para siguruhing walang reklamong maiiwan at mababaon sa limot.
Dahil sa mga ipinatupad na istratehiya ng ating ahensiya, pangalawa ang SSS sa may pinakamaraming kasong nabigyan ng solusyon mula Enero hanggang Nobyembre 2018.
Ayon sa programang “Linya ng Pagbabago” na ipinalalabas sa Presidential Broadcast Staff-Radio Television Malacañang (PBS-RTVM), nalutas ng SSS ang 5,508 kaso na idinulog sa 8888 Hotline.
Dahil dito, pinarangalan ang SSS sa unang anibersaryo ng Linya ng Pagbabago noong Disyembre 12 sa Maynila. Nakatanggap din ng parangal ang Acting Assistant Vice-President ng Member Communications and Assistance Department na si Fernando Nicolas dahil sa kanyang aktibong partisipasyon sa programa.
Nakatutuwang isiping nagawa pa ring aksiyunan ng SSS ang libu-libong reklamong dumaan sa Hotline 8888 kahit tumatanggap pa ito ng bultu-bultong reklamo mula sa email, social media, call center, Contact Center ng Bayan ng CSC at kliyenteng direktang pumupunta sa ating mga opisina. Nakagagaan din ng pakiramdam sa mga taong bumubuo ng Citizen Hotline 8888 Team ng SSS na kinikilala ng gobyerno ang kanilang pagsusumikap para makapaghatid ng mas mabilis at epektibong pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Dahil dito, nais naming pasalamatan ang bumubuo ng programang Linya ng Pagbabago hindi lamang sa parangal na kanilang ibinigay kundi pati na rin sa oportunidad na makausap nang harap-harapan ang aming mga miyembro para masolusyunan ang kanilang mga problema.
Gayundin, nagsilbing daan ang programang ito upang ipakita sa publiko na ginagawa ng SSS ang lahat ng makakaya nito para matugunan ang kanilang mga pangangailangan .
Alam nating hindi pa rito magtatapos ang ating trabaho sa SSS dahil kada taon ay dumarami ang bilang ng ating mga miyembro at benepisaryo. Marahil, hindi natin maipapangakong mababawasan ang bilang ng reklamong ating matatanggap ngunit, sisiguraduhin nating mabibigyan ng solusyon ang bawat kaso at masasagot ang bawat katanungan ng publiko tungkol sa SSS. Ikinalalugod po namin na mapagsilbihan kayo!
Paalala: May pagkakataong buuin ang inyong 2018 contributions ng walang gaps! Maaaring bayaran ng mga household employer, self-employed at voluntary member ang alinman sa 2018 contribution hanggang Enero 2, 2019.





Comments