“MAGTATAGO NA AKO KUNG MABIBIGO ANG ATLETA SA PHL SEAG”- MONSOUR
- Clyde Mariano
- Dec 30, 2018
- 1 min read

SIMULA sa susunod na taon, regular na makikipagpulong si Chief of Mission Monsour del Rosario sa National Sports Association leaders at coaches upang alamin ang paghahanda ng mga atleta na sasabak sa 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa bansa kung saan muling naman mapapalaban ang mga Pinoy sa mga atletang mula sa 11 bansa na nakalaban noong 2017 sa Malaysia.
“Bilang Chief of Mission tungkulin kong makakipag-ugnayan sa mga NSA leaders at coaches tungkol sa ginagawang preparasyon ng kanilang mga atleta at siguraduhing seryoso ang kanilang paghahanda. Ganito rin ang ginawa ko sa nakaraang Asian Indoor Games at Martial Arts sa Turkmenistan,” sabi ni Del Rosario sa eksklusibong panayam sa kanya bago ang Christmas break. Si gymnastic president Cynthia Carrion ang nagsilbing delegation head sa 2017 SEA Games sa Malaysia kung saan nakakuha ang mga Pinoy ng 30 gold medals.
Mahirap daw ayon kay del Rosario ang kanyang tungkulin bilang delegation head. Nasa responsibilidad niya ang lahat at kailangan niyang gampanan. “Kung kinakailangan ay pupuntahan ko ang bawat NSA at alamin ang dapat na paghahanda ng kanilang mga atleta,” paliwanag ni Del Rosario.
Sinabi ni Del Rosario na malaking kahihiyan kung mabigo ang mga atleta sa kanyang pangangalaga bilang delegation head lalu na at sa ‘Pinas gagawin ang SEA Games lalo na at panonoorin ng mga Pinoy sa sports complex na pagdarausan at ang iba pa sa iba’t ibang channel ng telebisyon. “Magtatago na ako kung mabibigo ang ating mga atleta,” pabirong sabi ng taekwondo expert turned politician. Makikipagpulong din si Del Rosario kay PSC Chairman William Ramirez upang mabalangkas ang mahahalagang bagay na may kinalaman sa SEAG.





Comments