YEARENDER: RIP SPORTS 2018
- A.Servinio
- Dec 29, 2018
- 2 min read

SA pagsasara ng 2018, alalahanin natin ang mga personalidad sa larangan ng palakasan sa Pilipinas na sumakabilang-buhay ng taon na ito.
Tatlong naglaro sa Olympics ang nasa unahan ng listahan na sina Ian Lariba ng Table Tennis at mga basketbolistang sina Jake Rojas at Danny Florencio.
Leukemia ang naging karamdaman ni Lariba na nagsilbi rin bilang tagadala ng bandila ng Pilipinas sa pagbukas ng 2016 London Olympics.
Noong Setyembre nagtapos ang laban niya sa sakit at nag-iwan ng alaala na walang talo sa buong paglaro niya sa UAAP para sa De La Salle University.
Samantala, noong nakaraang Enero, nagsimula ang taon sa malungkot na balita na pumanaw na sa edad na 79 si Rojas sa Cebu City.
Hindi nagtagal, sumunod ang kanyang kakampi sa 1968 Mexico Olympics na si Florencio noong Pebrero sa California, Estados Unidos sa edad na 70.
Maliban kay Rojas at Florencio na parehong nakapaglaro din sa PBA, apat pang mga beteranong guwardiya ng PBA ang nauna na rin.
Tinawag na sa malaking korte sa langit sina Ulysses “Buboy” Tanigue noong Enero, Joey Mente noong Agosto, Alfredo Enriquez noong Nobyembre at Johnny Revilla sa kasalukuyang buwan lamang.
Nandiyan din ang mga kabataang atleta na maagang namatay sa gitna ng kanilang kalakasan tulad ni James Gonzales na kapitan ng San Beda University Volleyball team, MMA fighter Igor Sebio Donga-el na nalunod sa dagat habang isinasalba ang tatlong tao, Arnis champion Maria Julpha “Maya” Villa ng Rizal Technological University at mga Basketball varsity na sina Benzar Inigo ng Saint Dominic College of Asia at Rutger Acidre ng City University of Pasay.
Hanggang ngayon, hindi pa tiyak kung sino ang bumaril kay Acidre, 24, sa kanilang lugar sa Pasay noong Oktubre. At kahit hindi sila mga atleta, ginamit ng mamamahayag na si Barry Pascua at announcer Rolly Manlapaz ang kanilang mga talento upang magdagdag kulay sa mundo ng palakasan.
Nagsulat ng “30” si Pascua noong Pebrero habang nag-sign off si Manlapaz noong Setyembre.





Comments