Tinapyas na pondo ng DOH, ibalik!

WALANG naipasang 2019 National Budget dahil hanggang sa huling araw ng sesyon bago nag-Christmas break, binubusisi pa rin sa plenaryo ng Senado ang P3.757 trillion proposed 2019 appropriation, pero tiyak na maipapasa ito sa susunod na taon dahil ito ang una nating aatupagin.
Maging ang ating mungkahi na ibalik ang tinapyas na P30 bilyon sa pondo ng Department of Health ay hindi na rin nabigyan-daan. Pagpasok natin next year, itutulak natin ang restoration ng tinanggal na pondo.
Ang pangamba natin kapag hindi naibalik ang P30 bilyon baka madiskaril ang implementasyon ng Univesal Health Care (UHC) measure na pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kailangan at ganap na itong batas.
Bakit? Sapagkat sa P30 bilyon, P16.8 bilyon ang para sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP) na isang programa ng DOH para magpatayo ng bago o tapusin ang mga naka-pending na construction ng barangay health stations, rural health units at provincial at DOH hospitals at lagyan ng equipment ang mga ito.
Para maipatupad nang maayos ang UHC, kailangang maayos at marami ang ganitong mga pasilidad para sa bubuuin nating service delivery network.
Sa UHC, kasama ang enhancement ng health facilities para mas madaling maabot ng medical services ang ating mga kababayan dahil sa UHC lahat ng Pilipino ay automatic covered ng National Health Insurance Program kaya magiging abot-kaya na ng lahat ang check-up o konsultasyon sa doktor, laboratory fees, pagpapagamot o kahit pagpapaospital pa.
Sa pamamagitan ng service delivery network, maaayos ang sistema at magagabayan ang ating mga kababayan hinggil sa proseso ng UHC.
Pero, huwag tayong mag-alala dahil ipaglalaban nating maibalik ang pondong tinanggal sa DOH.
Ang mapagaan ang pinansiyal na pasanin ng ating mga kababayan kapag sila ay nagkasakit o isa sa mga mahal sa buhay natin ang dinapuan ng karamdaman ang layunin ng UHC.
Sigurado tayong susuportahan tayo ng ating mga kapwa senador hinggil dito.
Manigong Bagong Taon sa lahat!





Comments