top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Kung ang movie, humakot ng 11 awards… EDDIE, TINALO NI DENNIS SA BEST ACTOR

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 29, 2018
3 min read

HUMAKOT ng 11 awards ang LGBT film na Rainbow’s Sunset sa katatapos lang na 44th Metro Manila Film Festival (MMFF) Gabi ng Parangal na ginanap sa The Theater at Solaire, Parañaque City nitong Huwe­bes, December 27.

Bagama’t hindi naiuwi ni Eddie Garcia ang trophy for Best Actor sa pelikulang Rainbow’s Sunset, ang kapwa niya bidang si Gloria Romero ang nanalong Best Actress.

Samantala, Best Supporting Actress naman si Aiko Melendez at Best Supporting Actor si Tony Mabesa mula sa powerhouse cast ng pelikulang idinirehe ni Joel Lamangan at produced ni Harlene Bautista.

Hindi man pinalad si Manoy Eddie sa tropeo, binigyan naman siya ng Special Jury Award kasama si Max Collins.

Kabilang sa mga iniuwing award ng Rainbow’s Sunset ay ang Best Production Design, Best Original Theme Song at Best Screenplay, not to mention the much-coveted Best Picture, Best Director, pati na ang Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award.

Kung Best Picture ang Rainbow’s Sunset sa 44th MMFF, 2nd Best Picture naman ang Aurora at 3rd Best Picture ang One Great Love.

Graded A ng CEB ang Rainbow’s Sunset at Jack Em Popoy: The PulisCredibles, samantalang B ang grado ng CEB sa Aurora at One Great Love.

Naka-limang awards naman ang Aurora — Second Best Picture, Best Cinematography, Best Visual Effects, Best Sound Design at Best Child Performer (Phoebe Villamor).

Tatlo ang awards ng One Great Love — Third Best Picture, Best Actor (Dennis Trillo) at Best Musical Score.

Tatlo rin ang awards ng Jack Em Popoy — FPJ Memorial Award, Best Editing at Best Float.

Sad to say, nganga (or umu­wing luhaan) sa bigayan ng awards ang Otlum, The Girl in the Orange Dress, Fantas­tica at Mary, Marry Me.

Binigyan naman ng pampa­lubag-loob na awards sina Jericho Rosales at Anne Curtis bilang Scratch It Lucky Stars of the Night.

Base sa review ng mga katotong nakapanood na ng halos lahat ng MMFF entries, posible raw na ang Ot­lum at Aurora ang maglalaban sa pagkakulelat o flopsina movies. Opinyon ng ilang writers ng PEP, “Nakakaantok panoorin ang Aurora.”

Samantala, ang review ng ilang kasamahan sa OTLUM, “Sasayangin mo lang ang perang ipampapanood mo. Chaka, walang kuwenta. Biruin mo, mga multo, nagsa­salita?” natatawa pang sey ng isang beteranong ko­lumnista.

Malayung-malayo raw ito sa Shake, Rattle and Roll series sa mga nagdaang MMFF.

“To think na kay Mother Lily din ang Reality Films, bakit tila iniba niya ang timpla? Nakakatawa tuloy ang Otlum, sad for Ricci Rivero na introducing pa naman sa isang flop film,” dagdag pa ng nakausap namin na isa ring film critic.

Wait pa namin ang opinyon ng katotong Ed de Leon na tiyak na nakakawindang ang comment sa mga kalahok, direktor at prodyuser sa taong ito sa MMFF.

Umapela naman sa mga manonood ang ilang konektado sa industriya gaya ni Direk Joel Lamangan, na nanalong Best Director for Rainbow’s Sunset, who spoke on behalf of artists, “Sana naman, huwag lang komersiyo ang kanilang isipin. Irespeto rin sana ng mga sinehan ang sining at industriya.”

Binasa naman ng writer na si Gina Marissa Tagasa ang mensahe mula kina Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde of Regal Entertainment asking for “fair treatment” sa lahat ng pelikulang kalahok.

Kapag mahina kasi sa takilya ang isang entry sa first at second day, pinu-pullout agad ito sa mga sinehan, gaya ng Rainbow’s Sunset na sa unang araw ay 50 plus ang sinehan at na-trim down sa 30 plus after two days of showing, lalo na raw ang OT­LUM na anila’y nakaranas daw ng first day, last day sa ibang sinehan.

Umaasa naman si Harlene Bautista, ang producer of Rainbow’s Sunset, na pagka­tapos maghakot ng award sa Gabi ng Parangal ang kanilang pelikula, maku-curious ang mga moviegoers at panoorin ang film kung bakit nito iniuwi ang Best Picture at Best Actress bukod pa sa 9 awards.

Isa pang inaabangan ng madlang pipol ay kung sino sa dalawang entries — Fantastica ng It’s Showtime host na si Vice Ganda (with Dingdong Dantes at Richard Gutierrez) at Jack Em Popoy: The PulisCredibles ng Eat… Bulaga! host na si Vic Sotto (with Coco Martin at Maine Mendoza) ang magiging top grosser ng taon.

Base diumano sa pila sa mga sinehan, ang Fantastica ni Vice ang may pinakamahaba, kasunod ang kina Vic, Maine at Coco na mala-ahas din sa haba.

Magtatapos ang MMFF sa January 7, 2019.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page