Kailan dapat isinasagawa ang colonoscopy?
- BULGAR

- Dec 29, 2018
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Pinayuhan ng doktor ang tatay ko na magpa-colonoscopy. Nais kong malaman kung ano at para saan ang test na ito? Sana, matalakay ninyo ito. — Arnold
Sagot
Ang colonoscopy ay pagsusuri ng malaking bituka at tumbong gamit ang instrumentong tinatawag na colonoscope.
Paano isinagawa ang pagsusuri?
Ang colonoscope ay may kalakip na maliit na kamerang nakakabit sa nababaluktot na tubo. Hindi tulad ng sigmoidoscopy na ang naaabot lamang ay ang ikatlong ibabang bahagi ng malaking bituka, ang colonoscopy ay nagsusuri ng buong kahabaan ng colon.
Ang pasyente ay mahihiga nang patagilid sa kaliwang bahagi at ang mga tuhod ay ititiklop patungo sa dibdib. Pagkatapos mabigyan ng gamot na pampakalma at pang-alis ng kirot, ang colonoscope ay pararaanin sa puwitan.
Ito ay dahan-dahan at maingat na ipapasok sa bukana ng malaking bituka na kung minsan ay ipinaaabot sa pinakamababang bahagi ng maliit na bituka.
Nagpapakawala ng hangin ang scope upang mas maging malinaw ang pagtingin sa loob ng bituka. May kasama rin itong panghigop (suction) ang instrumento upang maalis ang mga dumi at tubig. Mas malinaw sa paningin ng nagsusuri kung ang scope ay papalabas kaya kalimitan ng mas masusing eksaminasyon ang ginagawa sa ganitong pagkakataon. Gamit ang colonoscope, maaaring kumuha ng tissue samples sa pamamagitan ng maliliit na biopsy forceps. Maaaring magtanggal ng polyps gamit ang electrocautery snares.
Ang colonoscopy ay maaaring gamitin para sa mga sumusunod na kadahilanan:
• Pagsakit ng tiyan, pagbabago sa regular na pagdumi o pagbaba ng timbang.
• Abnormal na pagbabago (tulad ng polyps) na nakita sa sigmoidoscopy o x-ray test (CT scan o barium enema).
• Anemia dahil sa kakulangan sa iron (karaniwan kapag walang ibang dahilan ang nahanap).
• Dugo sa dumi o maitim na dumi.
• Follow-up sa nakaraang karamdaman tulad ng polyps o colon kanser.
• Inflammatory bowel disease (ulcerative colitis and Crohn’s disease).
• Screening para sa colorectal cancer.




Comments