GMA, absuwelto sa graft, plunder at electoral sabotage | DELETE ALL

IBINASURA ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 Judge Jesus Mupas ang kasong electoral sabotage na isinampa laban sa dating pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Itinuro ang dating presidente na umano’y responsable sa pandaraya sa halalan dahil umano sa bilin nito na 12-0 votes para sa kanilang mga kaalyado sa administration coalition.
Sa inilabas na desisyon ng korte nitong Disyembre 17, ibinasura nito ang naturang kaso laban kay Arroyo na isinampa ng government lawyers ng nakaraang administrasyon.
Pinaboran ng korte ang kampo ni Arroyo dahil walang sapat na ebidensiya ang akusasyon dito at hindi aniya napatunayan ng prosekusyon ang inaakusa ditong electoral sabotage.
Bukod kay Arroyo, kasama si dating Maguindanao Election Officer Lintang Bedol ay sinampahan ng kasong electoral sabotage sa naturang korte kaugnay sa umano’y dayaan noong 2007 midterm elections.
Sa parehong korte, ibinasura rin nito ang kaparehong kaso na isinampa laban kay dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos, Sr. at kay dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr., na namatay na dahil sa sakit.
Pitong taon ang inabot ng pagdinig sa naturang kaso na isinampa noong Nobyembre 2011.
Samantala, ayon sa abogado ng Pamilya Arroyo na si Atty. Ferdinand Topacio, lubos umano ang kasiyahan ng dating pangulo kahit ito ay nasa ibang bansa dahil ang ibinasurang electoral sabotage case na ang huling complaint na naihain laban sa kanya.
Nauna nang inabsuwelto si Arroyo sa mga kasong may kaugnayan sa katiwalian at pandarambong.





Comments