Side-effect ng chemotherapy

Dear Doc. Shane,
Na-diagnosed ako ng kanser sa suso at Stage 3 na raw ito kaya kailangan ng operasyon at chemotherapy. Madalas kong marinig ito kaya nais kong malaman kung ano ito at may mga side-effect ba ito sa katawan? — Sylvia
Sagot
Ang chemotherapy ay isang paraan ng panggagamot na gumagamit ng matatapang na kemikal para mabigyang-lunas ang mga sakit tulad ng kanser. Layunin nitong puksain ang cancer cells na mabilis na kumakalat sa katawan. Ang gamot na ito ay maaaring iniinom, itinuturok o ipinapahid, depende kung anong bahagi ng katawan ang apektado ng sakit.
Bakit kailangan gawin ang chemotherapy?
Ang mga taong na-diagnosed ng sakit na kanser ay maaaring isailalim sa chemotherapy. Sa pamamagitan nito, maaaring mapigilan ang pagdami ng cancer cells sa katawan o pabagalin ang proseso ng pagkalat nito sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Makatutulong din ito para maibsan ang mga sintomas na dulot ng kanser.
Gaano ito kadalas isinasagawa?
Ang gamutan sa pamamagitan ng chemotherapy ay paiba-iba depende sa kaso ng sakit ng pasyente. Maaari itong gawin ng isang beses kada buwan o gawin ito ng salitan — isang linggong chemotherapy, susundan ng 4 linggong pahinga at saka uulitin ulit. Kadalasan, ang chemotherapy ay sinasabayan ng radiotherapy at operasyon o surgery. Ang lahat ng ito ay nakadepende kung gaano kalala o kataas ang antas ng kanser.
Bagaman, nakatutulong ang chemotherapy na puksain ang cancer cells, maaari rin nitong atakihin ang malulusog na cells sa katawan. Ito ang dahilan kaya may side-effects ang chemotherapy.
Narito ang pangkaraniwang side-effects nito:
• Pagkapagod
• Pagsusuka
• Pagkalagas ng mga buhok
• Mataas na posibilidad ng impeksiyon
• Anemia
• Pagkakaroon ng mga pasa
• Kawalan ng gana sa pagkain
• Panunuyo ng balat at pagbitak-bitak ng mga kuko
• Kawalan ng konsentrasyon
• Insomnia
• Kawalan ng gana sa pakikipagtalik
• Pagtatae o pagtitibi
• Depresyon
Gayunman, maaaring iba-iba ang maranasang epekto ng bawat pasyente.
Narito ang dapat gawin para makabawi ng lakas pagkatapos ng chemotherapy:
• Magpahinga nang sapat.
• Kumain ng masusustansiyang pagkain — upang mapanatili ang timbang.
• Umiwas sa mga posibleng pagmulan ng impeksiyon.
• Panatilihing malinis ang sarili.
Gayundin, makatutulong ang regular na follow-up check-up sa doktor at pagbabantay sa mga posibleng side-effects ng gamot.





Comments