top of page

Pagbubukas ng Boracay Island, sinalubong ng kaliwa't kanang reklamo, tsk-tsk-tsk!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 28, 2018
  • 2 min read

MALAPIT na ang Bagong Taon, pero sa kabila ng mga kasiyahang magaganap sa pagpasok ng 2019, may mga problemang haharapin ang lahat ng mamamayan kasabay nito. Ito ang pagpataw ng pangalawang bahagi ng TRAIN Law sa mga produktong petrolyo. Maganda sana ang pagbaba ng presyo ng langis sa buong mundo, babawiin naman ito ng karagdagang buwis kada litro ng gasolina at diesel at kada kilo ng LPG.

Nagbabala ang gobyerno na hindi dapat tumaas ang presyo ng lahat ng produktong ito sa pagpasok ng Bagong Taon dahil lumang stocks pa raw ang mga ito at Jan. 15 pa mauubos ang sinasabing lumang stock. Kaya may dalawang linggo pa para magpakarga ng murang gasolina at krudo bago kumabig na naman ang adminis­trasyong ito. Lahat daw ay para sa “Build, Build, Build Program”. Sana lang talaga, matapos na ang lahat ng mga pinaplanong imprastruktura ng gobyerno.

◘◘◘

Dumaraing naman ang ilan sa kabubukas lamang na Boracay Island. May ilang turista na nagrek­lamo na masyadong mataas mani­ngil ang mga pampublikong sasakyan sa isla. Siguro, dahil anim na buwan itong sarado, ngayon bumabawi ang mga ‘yan sa mga turista. Gayundin, may mga nagrereklamo sa cruise ships na dumarating sa isla na nagbababa ng mga pasahero na ang dala lang daw ay kalat at basura tapos aalis na lang. Saan kaya galing ang cruise ships na ‘yan? Kulang din daw ang ilaw sa dalampasigan. Dahil siguro bawal na ang mga party-party, wala nang masyadong tao sa gabi.

May mga nagrereklamo rin na mga lokal na residente dahil mas pinagsisilbihan daw ang mga turis­tang malaki magbayad. Pero hindi ba, turista ang gusto ng Boracay Island, lalo na at limitado ang pinapapasok sa isla (kung talagang nababantayan ang bilang na ‘yan), bakit hindi nababantayan ang pagsingil sa mga pasahero? Hindi dapat magkaiba ang singil sa turista at sa lokal na resi­dente dahil diskriminasyon ‘yan. Ito ang ilan lamang sa problemang kinahaharap nang muling pagbubukas ng Boracay Island sa publiko. Bagama’t, malinis na ang isla, may ilan pa ring problema na kailangang matukoy ng ahensiyang nagbabantay dito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page