Misis dudang may kabit, ginantihan | 4 YRS. OLD IBINITIN PATIWARIK, PUNCHING BAG NI TATAY

KALABOSO ang isang ama makaraang mag-viral ang video sa ginawa nitong pagbitin patiwarik sa kanyang sariling anak na lalaki sa Sta. Rosa, Laguna.
Ayon kay Supt. Eugene Orate, dinakip nila ang lalaki na itinago sa pangalang Jessie, alas-11:30 ng umaga ng Huwebes.
Nakatakdang sumailalim sa drug test ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Child Abuse Law.
Batay sa imbestigasyon, Disyembre 18 nang mangyari ang insidente kung saan ibinitin ng suspek ang 4-taong gulang na anak nang patiwarik saka kinuhanan ng video ang pananakit dito.
Ipinadala umano ng suspek ang video sa social media account ng kanyang misis noong Disyembre 25 para mapuwersa siyang umuwi.
“Magbabakasyon daw po sa probinsiya, eh, Bagong Taon ang balik. ‘Di na raw po babalik dahil nalaman ko hanggang ngayon may lalaki pa pala,” ayon sa suspek.
Isang netizen ang nag-post sa Facebook ng nasabing video na nakakuha ng mahigit 1.8 milyong views at 200,000 shares.
Mapapanood sa video ang pagtatanong ng suspek sa kanyang nakatiwarik na anak kung masaya siya sa ginawang pag-alis ng ina. Nakita rin ang panununtok ng suspek sa mukha at iba pang bahagi ng katawan ng bata.
Ayon kay Senior Supt. Eleazar Matta, nakatakda nang kunin ng Department of Social Welfare and Development ang kustodiya sa bata na nagtamo ng mga pasa matapos ang insidente.





Comments