Pulis minura, MMDA binaril

SUGATAN ang isang miyembro ng Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos mabaril ng isang pulis-Maynila na kanyang nakaaway, kamakalawa ng hatinggabi sa Tondo, Manila.
Nasa maayos nang kondisyon si Abraham Nuqui, 54, ng Tondo, matapos tamaan ng bala sa balikat.
Isinailalim naman sa interogasyon si SPO1 Michael Pastor, nakatalaga sa MPD-General Assignment Investigation Section at residente ng Caloocan City.
Batay sa imbestigasyon ng MPD-Police Station 2, alas-11:18 ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat umano ng bahay ni Chairman Rolando del Rosario, 43, ng Bgy. 249 Zone 23 sa Biak na Bato St., Tondo.
Iisa ang pahayag ni Del Rosario at pamangkin na si Jessa nang imbestigahan sa pangyayari.
Nakita umano nila ang pag-aaway nina Pastor at Nuqui at pinagsusuntok umano ang pulis, kaya dinepensahan nito ang sarili na kahit na nakahiga sa semento, nagawa nitong barilin sa kaliwang balikat ang biktima.
Kahit na umano sugatan si Nuqui, tinangka pa nitong sugurin si Pastor pero naawat sila ng ilang barangay official sa lugar.
Nabatid naman sa salaysay ni Pastor, sakay siya ng motorsiklo para magtungo sa MPD-GAIS, upang magsagawa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operaton (SACLEO) nang mapadaan siya sa lugar.
Dito na umano siya hinarang ni Nuqui at minura.
Inawat naman ng kanyang kasamahan si Nuqui at sinabihan na pulis ang kanyang minura.
Binalewala ito ni Nuqui at itinuloy ang pag-atake sa nasabing pulis na nauwi sa pagbaril sa kanya.
Ayon kay MPD Director P/S Supt. Vicente Danao, Jr., nakatakdang sampahan naman ng direct assault ni Pastor si Nuqui.





Comments